John Lloyd Cruz at Shaina Magdayao, nagli-live in na?!

AYAW MATAWAG NI Alex Gonzaga na ‘Prinsesa ng TV5’ dahil para raw napakabigat na responsibilidad ang iniaatang sa kanya. “’Pag may ganyang title-title kasi, parang napakalaki ng pressure. Ang laki-laki ng expectations sa ‘yo, ‘di ba? Kaya parang ayoko yata n’yan,” ang sabi pa ng lead actress ng teen-oriented TV show na BFGF ng Kapatid network.

Among the talents daw kasi ng TV5, siya ang may pinakamaraming shows. “Marami ba?” natatawang balik-tanong pa ni Alex. “Siguro dahil nauna lang ako rito, kaya gano’n. Pero ‘yung ‘princess,’ ‘wag na muna ‘yan. Mahirap i-maintain!” Ang natatawang pahabol pa ng younger sister ni Toni Gonzaga.

Natalbugan niya na rin daw ang ate niya dahil nga mas marami siyang TV shows ngayon. “Naku, hindi ah!” tanggi agad ni Alex. “Mas marami pa rin siya – may PBB siya, may Entertainment Live, ASAP, SNN, may bago pa siyang gagawing teleserye, ‘yung Kokey. May pelikula pa siya. Mas marami pa ring raket si Ate.”

May limang shows si Alex sa TV5 – BFGF, Party On 5, Juicy, Everybody Hapi, at Locomoco U. “Dahil nga mas nauna naman ako rito, kaya nga masaya ako na nagbunga naman ‘yung pag-stay ko sa kanila,” sabi pa ni Alex.

Marami ang nagsasabi na mas maganda rin siya kesa kay Toni. “Oo nga,” birong sambit ni Alex. “Pero mas maganda nga ako sa kanya, sabi naman ni Ate, mas marami siyang guwapong manliligaw!”

Leading man ni Alex ang bokalista ng Callalily na si Kean Cipriano. Posible kayang mainlab siya sa isang rocker? “Bakit naman hindi? Ayokong magsalita ng tapos. Posible naman. Pero sa future pa ‘yon. Hindi ko isinasara ang pinto ko sa posibilidad. Baka sabihin ko ngayon na hindi tapos kainin ko rin ang sinabi ko pagdating ng araw, ‘di ba?” aniya.

Tuwing Linggo, 4PM, mapapanood ang newest teen-oriented TV show na BFGF. Mula ito sa direksyon ni Bb. Joyce Bernal.

ITINANGGI NI JOHN Lloyd Cruz na nagli-live-in na sila ni Shaina Magdayao. May kumakalat kasing balita na nagsasama na sa iisang bubong ang ‘rumored sweethearts’. Natatawa na nga lang daw ang aktor sa kung anu-anong kumakalat na balita tungkol sa kanila ni Shaina.

Hanggang ngayon, wala pa rin namang pag-amin mula sa dalawa, kaya bakit nga naman magkakaroon ng ‘live-in’ isyu? Iwas na iwas pa rin si John Lloyd na mapag-usapan ang anumang tungkol sa kanila ni Shaina.

Samantala, iba’t ibang bersyon na ang naglabasan sa hindi pagsipot ng aktor sa nakaraang 26th Star Awards for Movies ng Philippine Movie Press Club. May sakit daw si John Lloyd nu’ng gabing ‘yon kaya hindi ito nakarating.

Ang running joke tuloy, hindi effective ang gamot na iniendorso ng aktor. Sana raw ang ininom niya ay ‘yung iniendorso na lang ni Annabelle Rama.

Meron ding sitsit na umiwas si John Lloyd na magkaharap sila ni Ruffa Gutierrez na isa sa mga hosts that night. At ang latest, nagalit daw ang Movie Actor of the Year para sa In My Life sa tumanggap ng kanyang tropeo dahil sinabi nitong mataas ang lagnat ng aktor. Pero nasa family gathering daw si John Lloyd that night.

Anyway, tapos na ang awards night at walang John Lloyd na dumating. Kung anuman ang dahilan, marami pa ring miyembro ng PMPC ang nadismaya.

BLIND ITEM: GRABE raw kung siraan ng asawa ng isang singer ang mga kasamahan ng kanyang asawa sa isang TV show. Kung anu-ano raw ang sinasabi nito at kapintasan sa mga co-host ng kanyang asawa. Hindi nga raw akalain ng mga nakaririnig sa asawa ng singer na ganoon katindi kung magsalita ito ng mga paninira.

Ang nakawiwindang pa, sinasabi niya ito sa mga co-hosts din ng sinisiraan niya. Kumbaga, pakiramdam ngayon ng mga miyembro ng TV show ay gusto nitong pag-away-awayin sila. Hindi raw din nila maintindihan kung bakit nagkaganoon ang asawa ng singer dahil dati naman daw ay very nice ito sa kanila.

Bore Me
by Erik Borromeo

Previous articleSi Cristine Reyes ang nagbuking: Mag-on sina Aljur Abrenica at Bianca King?
Next articleParazzi Chikka: PBB Teen Scandal: Shey.. alam kaya ‘to ni Kuya?

No posts to display