Jodi Sta. Maria napili ng ABS-CBN para magbida sa Pinoy adaptation ng ‘Doctor Foster’; Zanjoe Marudo, Sue Ramirez at Zaijian Jaranilla pasok din sa cast

Leo Bukas

IPINAKILALA NA ng ABS-CBN ang mga artistang gaganap sa Pinoy adaptation ng BBC hit drama series na Doctor Foster. Si Jodi Sta. Maria ang masuwerteng napili na maging bida sa programa na kikilalanin sa Pilipinas sa title na The Broken Marriage Vow.

Katatapos lang magbida ni Jodi sa Ang Iyo Ay Akin few months ago pero heto’t binigyan na naman siya ng ABS-CBN ng chance na gumanap ng isa na namang mapanghamong karakter. Sa The Broken Marriage Vow ay bibigyang buhay ni Jodi ang karakter ni Dra. Jill Ilustre – ang katumbas ni Gemma Foster sa Pinoy serye.

Jodi Sta. Maria napili ng ABS-CBN para magbida sa Pinoy adaptation ng ‘Doctor Foster’; Zanjoe Marudo, Sue Ramirez at Zaijian Jaranilla pasok din sa cast
The Broken Marriage Vow cast members Sue Ramirez, Zanjoe Marudo, Jodi Sta. Maria and Zaijian Jaranilla

Halos nakay Jill na ang lahat sa personal na buhay man o trabaho, pero babaliktad ang mundo niya sa oras na matuklasan niyang pinagtataksilan siya ng kanyang asawa kasama ang isang mas batang babae.

Makakatambal naman ni Jodi ang isa sa pinakamahuhusay na aktor sa TV at pelikula ngayon na si Zanjoe Marudo. Gaganap siya bilang si David Ilustre, ang Pinoy Simon Foster.

Tila perpekto si David sa mata ng kanyang asawa at anak, ngunit siya rin ang sisira ng kanyang pamilya dahil sa mga kasinungalingang itinatago niya.

Kaabang-abang naman ang dadalhing gulo ni Sue Ramirez bilang si Lexy Lucero, ang magiging Kate Parks ng Pilipinas at ang kabit na wawasak sa pagsasama nina Jill at David. Mapusok at mayaman si Lexy at hindi nagpapapigil sa pag-ibig kahit na ito ay para sa isang pamilyadong lalaki.

Si Zaijian Jaranilla ang kukumpleto sa main cast ng The Broken Marriage Vow at gaganap na Gio Ilustre o Pinoy Tom Foster. Siya ang kaisa-isang anak nina Jill at David at magiging biktima ng masalimuot na kuwento ng pag-ibig ng kanyang mga magulang.

Ang magdidirek ng serye ay si Concepcion (Connie) Macatuno, na kilala sa paglalahad ng iba’t ibang kuwento ng kababaihan sa kanyang mga pelikula.

Ang The Broken Marriage Vow ang ikaanim na local adaptation ng Doctor Foster  kasunod ng mga bersyon nito sa France, Russia, Turkey, India, at South Korea, kung saan pinangalanang highest rated cable TV drama ang The World of the Married.

The Broken Marriage Vow is under the production of  Dreamscape Entertainment. Ipapalabas ito sa iba’t ibang ABS-CBN platforms.

Previous articleVice Ganda umaming kinalawang sa pagpapatawa: ‘Napu-frustrate ako!’
Next articleThings You Didn’t Know About Bella Poarch