Jessy Mendiola, feeling big star at lumalaki na ang ulo?

ADVERTISING

Jessy Mendiola, feeling big star at lumalaki na ang ulo?

Jessy Mendiola
Jessy Mendiola

 Nagulat kami sa FB post ngayong araw ni katotong Jobert Sucaldito regarding Jessy Mendiola na siyang itinanghal na FHM’s sexiest woman in the Philippines 2016. Halatang sobrang bad trip kasi si Jobert sa experience niya kay Jessy.

May kaugnayan ito sa week-long Pahinungod Festival sa Carrascal, Surigao del Sur na sa imbitasyon ng mayor nitong si VJ Pimentel, si Jobert ang nag-asikaso sa mga pumuntang artists sa naturang okasyon. Base pa sa post ni Jobert, successful at star-studded ang naturang events from Monday till Saturday. Okay raw ang mga artists na imbitado, except si Jessy Mendiola na tinawag niyang ‘maarte at supladita’.

Narito ang bahagi ng FB post ni Jobert na hiningi namin ng permiso na isulat:  “Ang pinakamalalang naalala namin ay ‘yung Friday event namin. You know why, nabuwisit kami rito kay Jessy Mendiola na sobrang maarte nga pala talaga. Kung papaano namin siya ipinagtanggol when she was being hit sa mga naglalabasang items on her ay nagkamali pala kami. ‘Di pala namin siya dapat ipagtanggol because she showed her real self doon sa Surigao del Sur. Nakakaloka siya. Wala siyang keber, imagine, lima-lima ang dala niyang bodyguards from Butuan to Carrascal – parang Lady Diana or Mariah Carey lang ang peg with matching road manager and another assistant in tow. 8 ang buong entourage niya kaya dapat ay may sarili siyang van na walang ibang kasamang ibang artists.

“Anyway, personal na sinundo siya ni Mayor VJ Pimentel sa Butuan Airport at doon dinala sa mansion – special treatment kumbaga. Pagdating nila sa mansion, personal na inasikaso ni Mayor VJ ang lunch nila pero ang ginawa nitong starlet na ito, dumiretso lang sa room niya and hindi na lumabas. Nagpakuha siya ng food sa kaniyang mga assistants at doon kumain sa kuwarto niya. Lumabas na lang siya bandang 8 P.M. na para sa courtesy dinner sa dining area ng mansion. Pero heavily-guarded siya ng bitbit niyang mga tao at halos hindi magpakuha ng pictures. Kaloka, ‘di ba? Superstar ang feeling niya sa sarili niya.

ADVERTISING

“Nauna kaming tumungo sa venue dahil inayos namin ang sequencing ng program for the night. We decided na mauna si Sam Pinto, then Julie Ann San Jose, then the comic tandem nina Pepay and Tammy, then si Jessy and finale si Billy. Matuk mo, tumawag ang isang assistant niya para sabihin daw sa amin na gusto ni Jessy na siya ang gawing finale. Siyempre, para hindi naman bagay na siya ang gawing finale dahil since fiesta ito, I am coming from a more rightful perspective na ibigay ang portion na ito kay Billy Crawford. Masa ang audience dito – hindi ito nightclub or what. Ayaw pa ba niya nang ganoon – she comes right before Billy? That makes her very important star too. Pero mapilit daw talaga itong si Jessy dahil iyon daw ang usapan nila ng kumuha sa kaniya for the event – na siya ang finale. Kung wala sigurong Billy Crawford, baka puwede pa pero between her and Billy, tanga na lang ang hindi maintindihang si Billy ang dapat ihuli. Billy is much bigger naman compared sa kaniya in terms of stardom.

“Doon na ako nagalit – masyado siyang primadonna. Nang makarating sa kanilang galit na galit na ako, tsaka na lang yata nila na-realize na mali sila or what – akala nila ay makakaya nila kaming ilagay sa bulsa nila. Hanggang sa pumayag na raw si Jessy na huwag na siyang mag-finale.”

Ibig bang sabihin nito ay feeling big star o lumalaki na ang ulo ni Jessy? Sana ay marinig natin ang paliwanag niya lalo na sa mga taong nasagasaan ng Kapamilya actress.

Nonie’s Niche
by Nonie V. Nicasio

ADVERTISING