Jeric Gonzales game na naghubad sa ‘Broken Blooms’: ‘Basta kailangan sa story gagawin ko talaga’

Leo Bukas

TAPOS NA ang syuting ng first lead role ni Jeric Gonzales para sa pelikulang Broken Blooms na prinodyus ng BenTria Productions. Sa Baguio kinunan ang kabuuan ng pelikula na ngayon ay nasa post production stage na.

Direktor ng Broken Blooms si Louie Ignacio at ayon sa kanya personal choice niya ang hunk actor para sa pelikula.

Jeric Gonzales game na naghubad sa ‘Broken Blooms’: ‘Basta kailangan sa story gagawin ko talaga’
Jeric Gonzales

Ani Jeric, “Naniniwala akong blessing ito sa akin. Hanggang ngayon, parang hindi ako makapaniwala na gagawin ko ito.”

Dahil sa naturang pelikula ay hindi muna tumanggap ng ibang TV assignments si Jeric sa Kapuso network.

“Ito ang binigyan ng time ng GMA. Dapat, may gagawin na akong series, yung Mano Po. Pero mas nauna ito, eh. Priority ko talaga sa career ko ngayon, and sinupport naman talaga nila ako rito,” sabi pa ng hunk actor.

Hindi naman problema kay Jeric kung naging daring siya sa Broken Blooms.

“In this stage of my career, siguro wala naman po siguro akong dapat itago sa pagiging daring o paghuhubad. Sabi ko nga, basta kailangan sa story at ano ang makakaganda sa film, gagawin ko talaga.

“Kung ano ang sasabihin ni Direk, nandun ang trust ko talaga,” lahad pa ni Jeric.

Bilang paghahanda sa movie kaya kinailangang mag-diet ni Jeric.

“Tabain po kasi ako. Mahirap talaga, kasi may mga kailangang i-sacrifice ka, eh,” he said.

Kasama ni Jeric sa Broken Blooms sina Therese Malvar, Boobay, Royce Cabrera at Jaclyn Jose.

“Nung na-meet ko si Ms. Jaclyn Jose, parang nagkaroon ako ng takot, medyo na-intimidate ako. Kasi siguro, first time ko siyang nakita at first time ko siyang makatrabaho rito.

“Tapos yung pressure na best actress siya, ang dami niyang awards, magiging nanay ko siya. So, parang ganun, parang may pressure na kinakabahan ganun. Pero I’m excited na makaeksena ang isang Jaclyn Jose,” kuwento niya tungkol sa award-winning actress.