Jennylyn Mercado, wala raw diet secret, dinadaan lang sa workout ‘pag napaparami ng pagkain

Jennylyn-MercadoNATUWA ANG mga entertainment press kay Jennylyn Mercado na parang hindi nagdi-diet kapag kumakain. Katuwiran ni Jen, idinadaan daw niya sa exercise kapag naparami ang pagkain niya. Hindi raw kasi siya tulad ng iba na kahit gutom na gutom na, ayaw pa ring kumain.

“Dinadaan ko sa workout. Kapag alam kong naparami ako ng kain, the next day, workout na ako. Minsan naman kapag sunud-sunod ang mga trabaho natin, may time na nakai-skip ako meal. Paunti-unti lang ang kain ko. Kung ano naman ang nasa set na food ay hihingi ako ng konti para lang hindi ako magutom. Kaya wala akong diet secret. Normal akong kumain talaga,” pagmamalaki pa ni Jen.

Dahil sa muli silang magsasama ni Dennis Trillo sa My Faithful Husband pagkatapos nilang maghiwalay, inurirat ng press kung muling nanumbalik ba ang naudlot at natapos nilang pagmamahalan?

Ayon kay Jen, wala raw nangyaring balikan, pero mas maganda raw ang samahan nila ngayon ni Dennis. Kapwa na raw sila nag-mature at naging kampante na muli sa isa’t isa.

Nang si Dennis naman ang tanungin kung possible raw ba this time ay makatuluyan sila ni Jen, ayaw magsalita nang tapos ng aktor. Pero pinagdiinan niya na sa ngayon, hanggang magkaibigan lang ang turingan nila ni Jennylyn. Wala pa raw sa isip niya ang lumagay sa tahimik dahil marami pa siyang gustong gawin sa buhay.

Oh. C’mon!
By Gerry Ocampo

Previous articleArnel Ignacio, napuno na kay Ken Psalmer
Next articleWillie Revillame, 2 linggong pahinga ang game show

No posts to display