Jennylyn Mercado, maingat na sa lalaking mamahalin

Jennylyn Mercado, maingat na sa lalaking mamahalin

Jennylyn-MercadoSA GANDA at kaseksihang taglay ni Jennylyn Mercado, hindi maiiwasang maraming kalalakihan ang mabighani sa kanya. Nand’yan sina Patrick Garcia, Mark Herras, Dennis Trillo, at Luis Manzano na mga naging boyfriend ng actress. Kahit wala nang relasyon si Jenny sa mga ito, naging kaibigan naman ang turingan nila sa isa’t isa, maliban kay Luis. Ayon sa actress, hindi sila nakapag-usap nang maayos ng actor bago sila naghiwalay ng landas. Say ni Jenny, “Mas maganda ‘yung kaibigan mo sila, ‘di ba?”

Nang makita nga namin nang personal si Jennylyn sa bago niyang primetime drama series na Second Chances ng GMA 7, mas lalo itong naging kaakit-akit. Tuloy, iniintriga siyang may bago na naman siyang mhin na kasamang nagbakasyon sa Boracay. Pinabulaanan ng actress-singer ang issue. “Nasasaktan ako du’n sa mga issue na hindi totoo. Pero ngayon, tinatawanan ko na lang ‘yun. Kasi, ayaw ko nang pag-aksayahan ng panahon na alam ko namang hindi totoo. ‘Yun bang pinagpipilitan ‘yung ganu’n, pakiramdaman na hindi naman totoo. Sa sobrang gusto kong dedmanhin, pinagtatawanan ko na lang, ganu’n. Ayaw ko na lang patulan. Ayaw ko na lang pagtuunan ng pansin kahit nakakainis dahil hindi naman totoo,” paglilinaw ni Jenny.

After makipag-relasyon si Jennylyn kay Luis at nauwi nga sa hiwalayan ang dalawa. Hindi muna nakipag-boyfriend  ang dalaga. Naging maingat na siya sa pagpili sa lalaking magiging karelasyon niya, if ever. Katuwiran niya, “Darating din ‘yun, ayaw kong magmadali. Kumbaga, enjoy ko muna ang pagiging single ko uli. Hamo’t balitaan ko kayo kung ano ang update na nangyayari sa akin. Sa ngayon, wala talaga, boring, huwag na muna…”

Sayang naman ang ganda ni Jenny na pinagpapantasyahan ng mga lalaki kung zero ang lovelife niya sa ngayon. “Pinaghirapan ko ito, workout lang. Pero naoperahan ako sa tuhod. Pero okay na ako ngayon, nakakatakbo na uli ako.”

Maganda ang working relationship nina Jennylyn at Raymart Santiago habang nagte-taping sila ng Second Chances, okay naman sila sa set. Pero never nilang napag-usapan ng actor ang tungkol sa kanyang personal problem. Sabi ni Jenny, “Hindi, kung si Raymart ang mag-o-open, tatanggapin ko, makikinig ako. Pero kung ako ang magtatanong tungkol sa bagay na ‘yun, hindi ko gagawin. It’s too personal. Ayaw kong makialam.”

Maraming highlight sina Jenny at Raymart sa SC na dinirek ng award-winning director na si Laurice Guillen. “Si Raymart, siya ‘yung naging boyfriend ko rito,” turan ng dalaga. Para kay Jenny, malakas pa rin ang sex appeal ng actor. “Tingin ko hindi siya tumatanda. Ganu’n pa rin ang itsura niya, baby face pa rin, ganu’n. Maganda pa rin ang katawan, inaalagaan pa rin niya ang katawan niya. As a person, sobrang kulit ni Raymart, pupuntahan niya ako sa tent, guguluhin niya ako, manggugulo lang, kukuha ng pagkain, ‘yung mga ganu’n.”

Naikuwento ni Jenny na may pagkakataong niyayaya siya ni Raymart na mag-skydiving. “Hindi lang ako, lahat naman kami niyayaya niyang mag-skydiving. Walang nag-oo kahit isa man sa amin, nakakatakot, ‘di ba? Kailangang may alam ka, nakapag-training ka kahit papaano bago mo magawa ‘yun. It’s a dangerous hobby. May anak ako, ayaw ko pang… walang kasama si Jazz,” natatawang sabi ng actress..

Napag-usapan din ang nalalapit na wedding ng ex-dyowa ni Jennylyn na si Patrick Garcia sa non-showbiz girlfriend nito on March 7. “Ring bearer nga si Jazz sa wedding nila. Kaibigan ko ‘yung mapapangasawa ni Patrick. Okay na kami, wala na kaming samaan ng loob ni Patrick. Mas maganda ‘yung ganu’n, naghiwalay kayong magkaibigan. Dapat ganu’n, kahit kaninong tao, kahit sino pa ‘yan. Hindi magandang may samaan kayo ng loob kahit sa hindi mo masyadong kakilala, ‘di ba? We have to move on para maging madali sa aking tanggapin ‘yun. ‘Yan ang reason kaya ‘yung mga ex-boyfriend ko, gusto kong magkaibigan pa rin kami.”

Bakas sa mukha ni Jenny na masaya siya sa bagong pag-ibig ni Patrick. Wala itong panghihinayang kung hindi man sila nagkatuluyan ni Patrick dahil may Jazz na nagpapasaya sa buhay ng magaling na actress. Hindi man madalas mag-usap sina Jenny at Patrick, madalas naman niyang ka-tsikahan ang future wife ng actor.

Binibiro nga namin si Jennylyn na baka umiyak siya sa araw ng kasal ni Patrick habang kinakasal ang dalawa. “Hindi, bakit naman ako iiyak? Siyempre, lahat ng mga babae, dream nilang magpakasal. Ako rin, dream kong magkaroon ng magandang wedding at makita ‘yung tamang tao para sa akin,” wika nito. Matagal pa raw bago mangyari ang paglagay ni Jenny sa tahimik. “Boyfriend muna kasi, kapag nagka-boyfriend ako, posibleng magpakasal ako, ‘yun.”

Hanggang ngayon, wish ni Jennylyn na makapag-usap sila ni Luis para maging maayos ang kanilang paghihiwalay kahit may Angel Locsin na ang actor. Well, hindi pa lang siguro itinakda para mag-krus ang landas ng dating mag-dyowang sina Jennylyn at Sweet Manzano. Abangan na lang natin.

AYAW Paawat!
by Eddie Littlefield