JC de Vera, nakipaglaplapan agad kay Jackie Rice!

ADVERTISING

JC de Vera, nakipaglaplapan agad kay Jackie Rice!JC de Vera, nakipaglaplapan agad kay Jackie Rice!NAPASABAK AGAD SI JC de Vera sa matinding kissing scenes sa taping ng Panday Kids mula sa GMA 7. At ang recipient ng kanyang maalab na halik ay si Jackie Rice na pagkaganda-ganda at pagkaseksi-seksi pala in person. Naku, Ineng palitan mo na ang apelyido mo para lalo kang sumikat.

Ibang-iba na rin ang alaga ni Mareng Annabelle Rama dahil, machong-macho si JC sa masel-masel niyang angkin ngayon bunga ng matinding pag-eensayo. Actually, pinagkaguluhan siya ng mga kapatid natin sa hanapbuhay dahil delicious na delicious siya sa bago niyang image. ‘Yun bang, mukhang palaban na ang dating conservative na dyowa ni Rhian Ramos.

“Kung dati’y payat ako at mukhang maputla, this time mapula-pula naman ako at mangitim-itim pa. Sobrang init ng araw kasi ang nararanasan namin sa taping ng Panday Kids at kailangan kong magpakitang gilas. Ka-sparring ko kasi si Christopher de Leon na siyang nagte-train sa akin para pangalagaan ang kaligtasan ng Panday Kids,” una niyang banat na hindi gaano’ng kinagat ng mga kausap.

‘Yun kasing laplapan nila ni Jackie Rice ang tanong at hindi ang role niya sa bagong action series.

Kung dati’y pangiti-ngiti lang si JC, this time ay matunog na rin ang kanyang halakhak sa reklamo ng mga kausap.

ADVERTISING

“Nagkagulatan nga sa first taping day namin ni Jackie dahil kissing scene agad ang ipinagawa sa amin ni Direk Mike Tuviera,” diretsong sagot niya na in-appreciate na ng mga kausap. “Buti na lang nakapag-workshop na ako ng ganyang kissing scenes noon. Otherwise, baka mapahiya ako sa leading lady ko at lalo na kay Direk Mike. Kung naroon pa ang National Artist nating si Carlo J. Caparas, lalo siguro akong mapi-pressure. Siya ang may obra ng action series na ito,” patuloy niya.

“Hindi pa kami nakakapag-bonding ni Jackie at gusto ko sanang makipag-dialogue sa kanya before we do the scene, pero, nagkasubuan na. What’s nice about it, eh, wala naman siyang qualms. Nabawasan ang kaba ko, and I think naman, natuwa sila sa nakita sa monitor.”

Dati-rati kasi, masyadong “malinis” ang mga roles ni JC sa TV. Masyado sigurong nag-aalala ang mga nasa likod ng project sa magiging reaction ng MTRCB. With regards to Panday Kids, palaban yata si direk Mike. Nagpaka-totoo siya. Paano ba maie-express ng dalawang normal na nilalang ang kanilang kasabikan sa isa’t isa kung hindi sa mga nakakikiliting eksena, katuwiran niya.

Pansamantala, maggu-goodbye si JC sa goody-goody roles, para magpamalas at manggulat sa mga sumusubaybay sa kanyang career.

“Hindi ko naman po makalilimutan na pambata ang action series na ginagawa ko. In good taste pa rin siguro ang mga eksena namin ni Jackie. Kung paano ito gagawin ni Direk, eh, siya na po ang bahala,” aniya, sabay halakhak dahil nagulat din siya sa kanyang sagot.

Huwag na rin nating kalimutan na may isa pang project si JC na hindi pa niya mabanggit-banggit, dahil baka raw ma-pre-empt. Pero, banggitin na rin natin.

Leading man na rin kasi si JC ni Judy Ann Santos sa pelikulang Hating-Kapatid ng Viva Films. Ang suwerte nga naman, kambal pang dumating kay JC ngayon. When it rains, it pours talaga.

“Oo nga po. Naalaala po ba ninyo kung gaano ako ka-worried na baka hindi na ako magka-project noon? Kailangan po talagang magkaroon tayo ng tiwala sa sarili. At hindi lang po si Judai ang kasama namin sa movie, si Sarah Geronimo pa!”

With JC’s new delicious look, he’ll go places na talaga. “Sana nga po, sana nga,” aniya. “Maganda rin po ang role ko sa pelikula nina Judai at Sarah. Young leading man niya po ako. At matutuwa din sila siguro sa katawan ko ngayon. Nag-mature din po kasi ang looks ko!”

Puwede na nga siyang maging leading man din ni Marian Rivera, (kung mananatili siya sa GMA-7) at nina Angelica Panganiban, Shaina Magdayao, Andi Eigenmann, at kahit na ni Erich “Katorse” Gonzales (kung lilipat siya sa ABS).

BULL Chit!
by Chit Ramos

ADVERTISING