Janice de Belen, nag-aalala sa maagang pagpapakasal ni Igi Boy Mulach – Gorgy’s Park

Janice de Belen,  nag-aalala sa maagang pagpapakasal ni Igi Boy Mulach – Gorgy’s ParkDito sa Pinoy Parazzi n’yo unang nakita ang kasalan ng anak nina Aga Muhlach at Janice de Belen na si Luigi (Igi Boy) sa kanyang non-showbiz girlfriend na si Patricia Monique Petil na ginanap sa Munisipyo ng Mendez, Cavite.

Ilang beses kinulit si Aga sa shooting ng pelikula nila ni Regine Velasquez pero hindi ito nagsalita dahil very private naman daw ang anak nila at pareho sila ng girlfriend niya na hindi artista.

Pero anak ito ng sikat na artista kaya interesado ang lahat na malaman ang tungkol sa kasalang ‘yun.

Nakapanayam ng Startalk si Janice at nagsalita siya tungkol sa pagpapakasal ng kanyang anak at ikinuwento nga niya ito sa SIS.

“Everybody knows already na Luigi got married a couple of weeks ago and siyempre ‘pag magulang ka may fears ka, eh. May sarili kang fears, winu-worry mo kung kaya na ba niya ito.

[ad#post-ad-box]

“Alam na ba niya talaga kung ano ang ibig sabihin nito, especially dahil hiwalay ako sa asawa, ‘di ba? Annuled ako but then okay naman ako, and then hindi naman kami nagkatuluyan ng Papa niya, so ‘di ba siyempre may mga sarili kang fears na you hope that what has happened to you does not happen to your children,” pahayag ni Janice.

Nasa tamang edad naman daw si Luigi kaya may blessings ang kasalang ‘yun at nakikita naman sa mga litrato na masaya silang lahat para kay Luigi.

“Luigi is 22. I’m 41 now, ‘di ba? Partida na ‘yun. Kasi nu’ng naging lola ‘yung nanay ko, 18 years old ako and she was only… teka 38? So, ‘di ba dapat matuwa na ko?” Patuloy nito.

Pati ang Tita ni Luigi na si Gelli de Belen ay pawang good wishes ang ipinarating sa bagong kasal.

“It’s a new step for him in his life, and I hope he does well. I’m sure he’ll do best. He has to be he’s best, ‘di ba?” Pahayag ni Gelli.

Kapag binalikan mo naman ng tanong si Janice kung may balak pa itong pakasal, doon nakatikom ang bibig niya. Sa ngayon, masaya na rin naman daw siya sa kanyang mga anak pati sa mga alagang aso.

ANG ISA PANG excited sa pagpapakasal ng kanyang anak ay si Gina Alajar.

Ikinuwento nito sa presscon ng bagong episode ng SRO Cinemaserye na “Carinderia Queen” na sa February next year, ikakasal na raw ang panganay niyang si Ryan sa non-showbiz girlfriend nito.

Namanhikan na raw sila nu’ng nakaraang buwan at botong-boto raw siya sa pakakasalan ng anak niya kaya excited na itong ihahatid si Ryan sa altar.

Tinanong namin kay Gina kung okay lang ba na darating ang dating asawang si Michael de Mesa para makasamang maghatid ng kanilang anak sa altar?

“Kung darating siya rito, definitely he’ll be part of it, but kung hindi siya darating, it’s his choice. It’s just right na kami ang maghahatid kay Ryan,” diretsang pahayag ni Gina na mukhang hindi naman siya masayang makita ang dating asawa.

Aminado naman siyang hindi sila magkaibigan at civil lang daw sila para sa kanilang mga anak.

Kasama nga pala ni Gina sa SRO Cinemaserye: Carinderia Queen ang mga bidang sina Carla Abellana at ang anak niyang si Geoff Eigenmann, gayundin ang ama ni Carla na si Rey PJ Abellana, at magsisimula na sa Huwebes bago mag-Saksi.

By Gorgy’s Park