Jane Oineza at Nathalie Hart gaganap na lesbian lovers sa ‘Maalaala Mo Kaya’

NGAYONG SABADO ay matutunghayan natin ang kuwento ng sikat na queer lovers na sina Roanne Carreon at Tina Boado na kilala sa YouTube bilang ‘RoTin’ sa bagong episode ng ‘Maalaala Mo Kaya’. Sa totoo lang, hindi namin maalala kung kailan huling nagbahagi ng istorya tungkol sa dalawang babaeng nagmamahalan ang longest-running drama anthology show ni Mam Charo. Bibigyang buhay nina Jane Oineza (Carreon) at Nathalie Hart (Boado) ang love story at mga pagsubok na pinagdaanan ng dalawa sa durasyon ng kanilang relasyon.

Jane Oineza at Nathalie Hart gaganap na lesbian lovers sa 'Maalaala Mo Kaya'
Nathalie Hart and Jane Oineza

Base sa trailer ng episode ngayong February 27, mukhang may pinagdaanang mental health problem si Roanne at hindi ito binitawan ng nobyang si Tina. Siguradong marami sa ating mga kaibigan sa LGBT community ang makakarelate sa kuwento ng RoTin lalo pa’t marami na rin fans and followers ang magnobya. Sayang lang dahil tila marami ang na-disappoint si Nathalie Hart sa kanyang comments sa pagkakaroon ng intimate moments sa kapwa babae habang ginagawa ang highly anticipated episode na pinagbibidahan nila ni Jane Oineza.

Humingi na ito ng tawad sa pamamagitan ng pagpost ng public apology sa kanyang social media accounts at sinabing ‘taken out of context’ ang kanyang pahayag. Gayunpaman, humingi na ito ng tawad at sinabing mag-iingat na siya sa mga bibitawang salita.