Iza Calzado, umalis ng Siyete dahil kay Marian Rivera?!

ANG PELIKULA with Piolo Pascual at Vilma Santos for Sharon Cuneta under Star Cinema ay hindi na tuloy. Ito ay dahil nasa bakuran na ng TV5 ang Megastar. Malaki ang panghihinayang ni Sharon sa nasabing movie, pero ok lang iyon dahil marami siyang naka-line-up na gagawin sa Ka-patid Network.

Kaya lang, maging ang movie niya with Gabby Concepcion ay shelved na rin. Sa kung anong dahilan ay hindi natin tiyak, pero ang sigurado ay masaya ang aktres sa takbo ng kanyang career lalo pa at back to normal na ang buhay ng kanyang dalaga na si KC Concepcion matapos na ito ay makipaghiwalay kay Papa P.

Kung naging malabo ang movie with Gabby, mukhang ang anak na si KC ang makakasama ng aktres sa unang pelikulang gagawin nito sa Kapatid station. “I think baka si KC ang unang makakasama ng megastar sa movie kasi wala na naman si KC sa Star Magic, so wala nang magiging problema kung sakali,” sabi ng aming kausap.

Mas magiging pabor sa panig ni Sharon kung sila ni KC ang unang magkakasama dahil noon pa man ay pangarap na ng mag-ina na sila ay magsama sa isang movie. “Actually kung pamimiliin si Sharon, talagang si KC ang gusto niyang unang makasama dahil kung kay Gabby, tiyak na magkakaroon pa ng intriga, ‘di ba?”

Samantala, ayaw patulan ni Sharon ang balitang gina-gamit lang ni Cloie Concepcion ang anak niyang si KC para ito pag-usapan. Ayon kay Sharon mabait na bata raw si Cloie at sana ay huwag itong pinagbibintangan. Very close daw sina Cloie at KC at bilang ex ni Gabby, masaya siya dahil hindi nagiging problema sa mga bata kung anuman ang mga naging sitwasyon noon.

NAKAUSAP KO si Diana Zubiri at ayon sa aktres, nakatakda siyang pumirma nang panibagong kontrata sa GMA-7. “Ang loyalty ko kasi, nasa Channel 7. At alam nila iyon,” pahayag ng aktres nang makausap namin siya sa Broadway Centrum,a kung saan ay taping ng programang Celebrity Samurai na ang host ay si Joey De Leon para sa TV5.

Ayon kay Diana, no comment daw siya sa ginawang paglipat ni Iza Calzado sa Dos. Sabi ni Diana may dahilan daw siguro si Iza sa ginawa nitong desisyon. “Irespeto na lang natin kung ano ang gusto niya.”

Aminado si Diana na matagal na sila ni Iza sa Siyete pero after Encantadia ay hindi na siya nabigyan ng big project ng kanyang home network. Kung tutuusin ay may mga alok ang dalaga sa ibang network, pero deadma siya dahil mananatili sa kanyang puso ang respeto at pagtanaw nang utang na loob sa Channel 7.

Teka, sa totoo lang, usap-usapan na kaya raw umalis si Iza sa Siyete ay dahil si Marian Rivera lang ang binibigyang-importansiya ng Siyete. Mula nang dumating si Marian sa nasabing network, sina Iza, Karylle at maging si Diana ay hindi na napapansin pa ng nasabing network. “Hay, naku… no comment po ako d’yan. Ayokong magsalita tungkol sa bagay na iyan.” Pero aminado si Diana na, na kay Marian ang atensyon ng Channel 7.

KAHAPON (MARTES), bago magtungo sa Dubai si Derek Ramsay ay nakausap ko siya at hindi itinanggi ng aktor na totoong may ka-date siyang ibang babae noon sa concert ni Anne Curtis.

“Hindi ko ide-deny ‘yung mga friends ko. Walang dahilan para itanggi ko iyon. Yes, totoo at alam iyon ni Angel (Angelica Panganiban) at hindi ako tangang tao na para ipakita at magdala ng ka-date sa lugar na alam kong maraming press. Nagtataka nga lang ako kung bakit nila nagagawaan ng ganu’ng kuwento ‘yung mga bagay na alam mo namang wala kang ginawang masama.”

One week si Derek sa Dubai at babalik siya sa Linggo. Pero ayon sa aktor, hindi raw nila pinag-awayan ni Angelica ang issue na lumabas sa isang tabloid. Bakus ay nagkatawanan lang sila.

“Hindi na siya apektado sa mga ganitong story, kasi sa tagal ba naman namin ay ngayon pa kami maapektuhan? Wala lang. Hindi na lang namin pinag-iintindi dahil alam naman namin kung ano ang totoo at hindi ko maaaring gawin iyon kay Angelica, dahil alam naman niya kung gaano siya kahalaga sa akin.”

Sa pagwawakas, sinabi pa rin ni Derek na maganda ang takbo ng relasyon nila ni Angelica at hindi niya iyon hahayaang sirain ng intrigang hindi naman makatutulong sa kanilang pribadong buhay at career.

More Luck
by Morly Alinio

Previous articleSa isyung ginagamit lang siya para sumikat Kim Chiu, pinagtanggol si Xian Lim
Next articleSey ng dyowang si Dingdong Dantes Marian Rivera, propesyunal na raw magtrabaho!

No posts to display