Iwa Moto, posibleng kasuhan ng Siyete!

PINALAKI NA lang talaga ang isyu tungkol sa diumano’y planong pagtakbo ni Luis Manzano bilang Mayor ng Lipa City. Pero ang totoo, nanggaling lang iyan sa isang simpleng kantiyawan na nagmula sa mga Batangueño na naaaliw sa panganay na anak ni Governor Vilma Santos-Recto, dahil madalas ngang dumadalaw ang karelasyon ni Jennylyn Mercado sa nasabing probinsiya na pinanunungkulan ng kanyang mommy, sa tuwing mayroong mahahalagang okasyon na kailangan ni Gov. Vi ang kanyang suporta.

Lalo namang hindi pinipilit ng Star for All Seasons si Luis na kumandidato sa Lipa. Sa mga mahahalagang pagtitipon sa Kapitolyo ng Batangas ay lagi lang talagang mayroong grupo na nagbibiro kay Gov. Vi na: “Baka naman si Luis ay pupuwede ring mahiram na manungkulan dito sa Batangas, katulad ng kanyang mommy na napakiusapan lang noong una na maging Mayor ng Lipa, pero nagpakitang-gilas naman!”

Masarap sa pandinig ng mommy ni Luis ang mga ganu’ng papuri. Nadinig din naman ni Luis ang birong-totoo ng mga Batangueño. Pero wala naman talagang ibinibigay na pahiwatig si Luis na sa maagang panahon ay ilalagay na niya ang kanyang sarili sa magulong mundo ng pulitika. Marami ring makakabangga si Luis na mga nauna at nangangarap manungkulan sa Lipa. Alam na alam iyon ng kanyang daddy na si Edu Manzano kaya humirit na siya ng pagtutol.

PARANG NAGIGING suki na talaga ng mga kontrobersiya itong si Iwa Moto. Hindi pa rin nagpapahinga ang dating ng mga intriga tungkol sa kanya. Habang hindi pa nalilimutan ang naging maeskandalong hiwalayan nila noon ni Mickey Ablan, marami ang naintriga sa kanya dahil sa pagkakaugnay niya kay Leandro Muñoz, na mabilis din namang nauwi sa hiwalayan ang kanilang relasyon. Ibang klase raw ang byuti ni Iwa, mabilis makalalaki!

Palaban naman kasi talaga ang personalidad ni Iwa, kaya walang makakapigil sa mga gusto niyang sabihin. Kaya nga inatake na naman niya ng mahabang litanya si Jodi Sta. Maria tungkol sa pagkakaugnay diumano ng magaling na aktres kay Mickey nu’ng magkarelasyon pa sila, habang ngayon naman ay marami ang nababaliw kay Iwa, dahil ang boyfriend na niya ay ang nakahiwalay na husband ni Jodi na si Pampi Lacson. Talaga bang maliit ang mundo para kina Iwa at Jodi?

Habang deadma naman si Jodi sa mga pasabog ni Iwa tungkol sa kanya, mayroon na namang bagong isyung kakaharapin si Iwa. Ito ay sa dahilang may posibilidad siyang kasuhan ng GMA-7 dahil sa paglipat niya sa TV5. Habang hot na hot pa si Iwa sa kanyang mga paghahamon kay Jodi, inaabangan ngayon ang kanyang ibubugang sagot sa hirit ng Siyete na baka makasuhan siya dahil napapanood na siya sa Kapatid Network.

ChorBA!
by Melchor Bautista

Previous articleJennylyn Mercado at Carlene Aguilar, pinagtatawanan na lang si Dennis Trillo!
Next articleRocco Nacino at Sheena Halili, idine-deny pa rin ang relasyon!

No posts to display