Iwa Moto, may bago na namang lalaki!

Iwa Moto, may bago na namang lalaki!

Iwa Moto, may bago na namang lalaki! MULA SA pagi-ging malungkot dahil sa paghihiwalay niya ng kanyang BF na si Leandro Muñoz, mukhang masayang-masaya na naman now a days si Iwa Moto sa pagkakaroon nito ng bagong ins-pirasyon sa piling ni Pampi Lacson na dating asawa ng aktres na si Jodi Sta Maria.

Hindi na nga nililihim ni Iwa ang closeness kay Pampi, na ayon pa rito ay matagal na rin niyang naging kaibigan. Si Pampi nga raw ang kasa-kasama ni Iwa ng mga times na malungkot at nag-iisa siya dahil na rin sa break-up nila ni Leandro.

Pero ngayon daw ay laging nakangiti na si Iwa at blooming na blooming na naman. Tsika pa nito na happy siya with Pampi na kung ikuwento nito ay mabait at laging nand’yan ‘pag kailangan niya. Magiging bingi na lang daw siya sa mga taong huhusga sa super closeness nila ngayon ni Pampi, dahil ang mahalaga raw para rito ay masaya sila at nagkakaintindihan na dalawa. ‘Yun na!

 

FROM SINGING ay isa-isa na ring pinapasok ng 7-month old boyband na Upgrade ang pag-arte, kung saan ang dalawa sa members nito na sina JV Suzara at K-Cee Martinez ay may kanya-kanya nang proyekto.

Una nang napanood si K-Cee sa Valiente sa TV5, at ang latest na proyekto nito ay ang Makapiling Kang Muli sa GMA-7, kung saan gaganap naman itong batang George, na pinagbibidahan nina Richard Guttierez at Carla Abellana.

Samantalang mapapanood naman si JV Suzara sa Maynila sa darating na June 9, kung saan makakasama naman nito ang mga tweens na sina Hiro Magalona, Kim Komatsu at Joyce Ching.

Pero ayon sa dalawang guwapitong member ng Upgrade, kahit daw napapasabak na sila sa acting ay hinding-hindi raw nila iiwan ang kanilang grupo dahil ito raw ang kanilang priority.

 

SA NALALAPIT na pagtatapos ng numero unong teen show sa bansa, ang Tween Hearts, ilan sa mga naging miyembro nito ang nakararamdam ng kalungkutan.

Ayon nga kay Hiro Magalona, mami-miss niya ang bonding ng buong grupo, masyadong bonded na raw kasing lahat, kahit nga raw minsan ay merong nagkakatampuhan sa kanila, pero at the end of the day ay nagiging okey rin sila sa isa’t isa.

Tsika naman ni Teejay Marquez, pamilya na ang turingan nila sa isa’t isa kaya naman medyo mabigat daw sa damdamin ang magiging paghihiwalay nilang magkaka-Tweens.

Habang nalulungkot naman daw si Kristoffer Martin sa nalalapit na pagtatapos ng Tween Hearts, dahil everytime daw na nasa-set sila ay hindi nila nararamdaman na nagtatrabaho sila, bagkus ay para lang silang nasa bahay at kasama ang kani-kaniyang pamilya.

Hindi naman daw naiwasang maluha ng kontrabida ng Tween Hearts na si Rhen Escaño dahil sa sobrang closeness na nila sa isa’t isa at very memorable raw sa kanya ang Tween Hearts dahil ito raw ang naging daan para mabigyan siya ng iba pang show sa GMA-7 like Legacy at The Good Daughter, kung saan kontrabida rin ang role niya.

 

SOBRA-SOBRA ANG pasasalamat ni Alden Richards sa kanyang soap na My Beloved dahil naging daan daw ito para mabigyan silang dalawa ng ka-loveteam na si Louise Delos Reyes ng kanilang newest show na sila muli ang bida, ang One True Love.

Pero aminadong kinakabahan siya sa pilot nila sa June 11 dahil medyo matagal-tagal daw kasi bago nasundan ang dati nilang pinagbidahan, ang Alakdana. Pero wish daw nila na sana ay suportahan ito ng mga manonood.

Gagampanan ni Alden ang role ni Tisoy sa soap na ito, habang gagampanan naman ni Louise ang role na Elize, at ito ay mula sa mahusay na direction ng A1 director na si Andoy Ranay.

John’s Point
by John Fontanilla