Inaasam na pagtatambal nina John Lloyd Cruz at Andrea Torres sa ‘Happy ToGetHer’ magaganap na ngayong Easter Sunday

ISANG nakakaaliw na sorpresa ang handog sa atin ng high-rating Sunday sitcom ng GMA-7 na ‘Happy ToGetHer‘ na pinagbibidahan ng nag-iisang John Lloyd Cruz.

Bago pa man natuloy ang paglabas ni Lloydie sa Kapuso network ay naging usap-usapan na ang posibilidad na magsasama sila ng Kapuso sexy actress na si Andrea Torres sa isang proyekto. Nag-umpisa ang kiliti ng imahinasyon ng mga tagahanga dahil ang mga ex nina Lloydie at Andrea na sina Ellen Adarna at Derek Ramsay ay mag-asawa na ngayon.

Para sa Easter Sunday ay binigyan na ng katuparan ang hiling ng mga viewers na mag-guest na si Andrea Torres sa nasabing sitcom.

Hindi naman tayo nabigo dahil preview pa lang ay kitang-kita mo na ang chemistry sa pagitan nila. Si Nurse Emily (Andrea Torres) na ba ang babaeng tunay na magpapatibok at magpapakalma ng puso ni Julian (John Lloyd Cruz)?

Marami-rami na rin ang Kapuso female stars ang nag-guest sa programa ni Lloydie tulad nina Jasmine Curtis-Smith, Faith Da Silva, Faye Lorenzo, Julie Anne San Jose at Kim Domingo.

 

Ang tanong: Si Andrea Torres na ba ang final leading lady?

Oo man o hindi, magandang buena mano ang episode na ito para sa Easter Sunday. At least dito man lang ay napagbigyan ang mga pantasya ng ilan na magkaroon ng Llloydie-Andrea. Manonood kaya sina Derek at Ellen who are happy together now as a married couple?