Ina ng sikat na singer actress, pinagbintangan ang sikat na komedyana na kumuha ng t-shirt ng anak niya!

KINSA SIYA? HINDI pa naman masyadong matagal ang kuwentong ito, pero ngayon lang lumabas dahil kinimkim ito ng napagbintangang komedyana. Sa isang umpukan daw, minsan isang gabi ay naikuwento na lang ito ni comedienne dahil wala na rin naman sa kanya ang mga pangyayari, kumbaga hindi na niya dinamdam.

Noong may isa pang teleserye itong komedyana kasama ang sikat na singer-actress, may nangyari raw na ikinaloka ng komedyana. Magkasama sila sa dressing room ng sikat na singer-actress, bale dalawa lang sila roon talaga at ang ibang artista ay sama-sama na sa ibang dressing room. Pack-up na raw sila pareho ng sikat na singer-actress kaya pareho na nilang ipinaligpit ang kanilang mga gamit.

Napuna raw nitong ina ng sikat na singer-actress na parang nawala ‘yung T-shirt ng anak niya. Ang ginawa raw nito ay ipinahalungkat ang mga gamit ng komedyana na hindi na lang kumibo dahil wala naman talaga ito sa mga gamit niya. Hindi raw natagpunan ng ina ni singer-actress sa kanyang mga kagamitan ang sinasabing nawawalang T-shirt kaya naman pati ang kanyang van ay pinahalungkat din nito. Sad to say, wala rin ito du’n.

Ini-report daw ito ng komedyana sa mga bosing ng kanilang istasyon para naman hindi na rin maulit pa. Nang malaman daw ito ng bestfriend ng komedyana, tumawag daw ito at ang sabi, “Best friend, gusto mo padalhan natin sila ng isang truck na T-shirt?” Pero umayaw na rin daw si komedyana at gusto na niyang matapos na ang kuwento.

At isa pang sad to say, napag-alaman ng komedyana na naiwan pala sa bahay ng mag-ina ang sinasabing T-shirt.

(By Arniel Serato)