Hihingin na ang kamay ng dalaga? Derek Ramsay, gustong ma-meet nang personal ang daddy ni Angelica Panganiban

Hihingin na ang kamay ng dalaga? Derek Ramsay, gustong ma-meet nang personal ang daddy ni Angelica Panganiban

Hihingin na ang kamay ng dalaga? Derek Ramsay, gustong ma-meet nang personal ang daddy ni Angelica Panganiban

DUMATING NA ng bansa si Derek Ramsay mula sa Dubai at ayon sa aktor sisimulan na nila ni Bea Alonzo ang pelikulang pagsasamahan, kung saan ay wala na raw siyang nararamdamang pagkaasiwa dahil nakasama na niya ang dalaga sa maraming proyekto sa ABS-CBN.

“Masarap kasama si Bea. Wala kasi siyang arte sa katawan. Siya ‘yung hindi mo kailangang i-please, dahil very bubbly kaya masaya sa set,” tuluy-tuloy na panimula ni Derek.

Sa kabilang banda, inamin ni Derek na balak nila ni Angelica Pa-nganiban na magtungo sa Amerika upang dalawin doon ang ama ng aktres.

“Matagal nang plano namin iyon ni Angel. At sana this year, matupad iyon dahil gusto ko rin namang ma-meet nang personal ang daddy niya.”

Wala pa raw balak magpakasal sina Angel at Derek pero kung sakaling maisipan na nilang lumagay sa tahimik ay beach wedding ang gusto nila.

“Parang mas maganda kasi ‘yung nasa isang island lang kayo, walang pressure habang ikinakasal. At siyempre, gusto namin ni Angel, lahat ng mga taong malalapit sa amin ay nandu’n,” sundot pa ng aktor na nagsabi pang ayaw na niyang patulan ang balitang may bago siyang dine-date na babae na nakita sa nakaraang concert ni Anne Curtis.

“As what I’ve said, Morly, hindi ko dini-deny iyon. Totoong may kasama ako pero mga kaibigan ko iyon. At kapag kaibigan ko ang isang tao, never ko siyang ide-deny kahit ano pa ang mangyari,” pagwawakas ni Derek sa Pinoy Parazzi.

 

AFTER GIVING birth last year, heto at sumabak na uli sa camera si Glydel Mercado. At ayon sa may-bahay ni Tonton Gutierrez, hindi biro ang pinagdaanan niya sa kanyang panganganak dahil muli na namang nasuong sa panganib ang kanyang buhay.

“Mahirap kasi akong manganak. Matagal akong mag-labor. Talagang feeling ko ay nanganganay uli ako to think na nandiyan na si Aniza, ‘di ba?”

Ayon kay Glydel, ang dahilan kung bakit nanganib ang kanyang buhay ay dahil sa problema sa matris.

“Hay naku, sabi ko nga kay Tonton, tama na muna ang dalawa, mahirap na.”

Baka raw kasi sa susunod ay bigla siyang mawala sa Earth.

Sa kabilang banda, inamin ni Glydel na bukod sa guesting niya sa Channel 7 para sa isang soap opera, wala na siyang work na siyang dahilan kung bakit mapapanood siya sa mga darating na araw para sa Untold Story ng TV5.

“Sanay ako sa trabaho kaya parang hindi talaga ako sanay na nasa bahay lang. Dapat nga noong Christmas pa ako nag-work, pero ayaw ni Ton. Gusto niyang magpahinga muna ako,” pagwawakas ni Glydel.

 

BUKOD KAY Marian Rivera, wala nang ibang big star sa Channel 7, at ang dahilan ay nararamdaman ng ibang artista na hindi sila magbu-boom nang todo kung mananatili sila sa nasabing TV Network. Bias daw kasi ang Channel 7.

“Actually, hindi naman sana aalis si Iza Calzado sa Channel 7. Kaya lang, ang tagal-tagal na niya sa Channel 7, pero tignan mo naman ‘yung mga project na napupunta sa kanya,” pangangatwiran iyon ng isang taong malapit sa aktres na nagsabing may dahilan kung bakit umalis si Iza sa mother studio nito.

“Tingnan n’yo, may susunod pa, kasi nga may mali sa Siyete,” sunud-sunod na pahayag iyon ng aming source.

Kung pagtutuunan ng pansin. Parang may dahilan ngang umalis si Iza sa Siyete, dahil karamihan sa mga proyektong ginawa ay one of those lang sa mga pucho-puchong proyekto ng Channel 7. Unlike kay Marian na de-kalidad talaga ang mga programang napupunta sa aktres.

“Bukod kay Marian, sino lang ba ang sikat sa kanila? Unlike sa Channel 2 na kahit marami silang artista ay pare-parehong sikat ang mga ito. Kumbaga, patas ang naibibigay nilang project at publicities.”

Kung tutuusin, wala pa si Marian sa Siyete ay naririyan na sina Iza at Diana Zubiri at iba pang senior stars, pero kapuna-puna na since nang dumating si Marian, biglang nangulimlim ang career ng mga naunang aktres. Kasi kasalanan din ng mga big boss ng rainbow network dahil nakapokus ang kanilang atensiyon sa kasintahan ni Dingdong Dantes.

Sa kabilang banda, hindi naman siguro kasalanan ni Marian kung pagbuhusan siya ng panahon at atensiyon ng mga big boss ng Siyete, dahil ginagawa lang niya ang kanyang trabaho. Nagkataon lang sigurong mas malaki ang paniniwala at mahal siya ng mga boss ng channel 7. Tsuk!

 

More Luck
by Morly Alinio