Hayden Kho, wala nang gustong maniwala?! – Morly Alinio

Hayden Kho, wala nang gustong maniwala?! - Morly AlinioHayden Kho, wala nang gustong maniwala?! - Morly AlinioGUMAWA PO KAMI ng sariling survey at ang limang kontrobersiyal na pinag-usapan this year ay ang sex scandal nina Hayden Kho, Katrina Halili at Maricar Reyes, kung saan pati ang Senado ay nabulabog dahil sa nasabing sex video na patuloy pa ring pinag-uusapan sa ngayon dahil nagsanga-sanga na ang isyu.

Ang isa pa rin sa kontrobersiyal na isyu sa showbizlandia ay ang pagkakaugnay ni Krista Ranillo kay Manny Pacquiao na hanggang ngayon ay may usok pa rin ang nasabing eskandalo. Kahit ano kasing pagde-deny ng dalawang kampo, para bang bingi ang mga tao at hindi naniniwala sa kanilang mga gawa-gawang kuwento. At siyempre, kasama na rin sa kuwentong ito ang muling pagkapanalo ni Pacman sa nakaraang laban nito kay Miguel Cotto.

Hindi rin makalilimutan ng sambayanan ang pagkamatay at paglilibing kay Tita Cory Aquino dahil hindi lang ang showbiz world ang nabulabog kundi pati ang buong Pilipinas, maging ang buong mundo.
Pasok din sa top five controversial issues this year ang pagpapakasal ni Judy Ann Santos at Ryan Agoncillo, dahil kahit inilihim nila ang kanilang pag-iisang dibdib, tinutukan pa rin ito ng mga tao at hindi rin nakaligtas sa malakas na radar ng mediamen.

Idagdag na rin natin sa kuwentong ito ang pagpapakasal nina Senator Mar Roxas at Korina Sanchez na naging kontrobersiyal dahil ang budget na gagamitin sa reception ay idinoneyt nila sa nasalanta ng bagyong si Ondoy.

Ang balitang Ondoy ang nagluklok din kina Cristine Reyes, Richard Gutierrez, Angel Locsin at marami pang artista sa showbialandia para mapag-usapan. Iba-iba ang kuwento ng kanilang karanasan pero isa lang ang pinag-ugutan, ang hagupit ng bagyong Ondoy.

NAGSALITA NA SI Hayden Kho kaugnay sa ginawa niyang pagpapatiwakal diumano sa Silang, Cavite. Hindi itinanggi ni Hayden na totoong dinala siya sa mga ospital sa Silang pero hindi raw dahil nagpakamatay siya kundi dahil nagkaroon ng problema sa kanyang intestine kaya sumuka siya at nakaramdam ng pananakit ng tiyan.

Ayon kay Hayden nagpapasalamat siya sa mga taong naniniwala sa kanya kahit sabihin pang patuloy siyang iniintriga. Ayon sa kontrobersiyal na manggagamot, nalulungkot siya sa mga nangyayari sa kanyang buhay sa ngayon, dahil kahit nananahimik siya ay wala siyang magawa kundi tanggapin na ang kung anumang sinasabi sa kanya ng mga tao dahil aminado naman siya na tao lang siya at hindi perpekto.

Sa kabuuan, isa lang ang wish ni Hayden this Christmas, ang katahimikan at ganap na kalayaan sa intrigang kanyang kinasasangkutan sa ngayon.

More Luck
by Morly Alinio