Hayden Kho, ‘di noon naniniwalang may Diyos

Hayden Kho, ‘di noon naniniwalang may Diyos

Hayden-KhoNAKATSIKAHAN NAMIN si Dr. Hayden Kho sa taping ng kanyang morning TV show sa Kapatid Network na Healing Galing with Dra. Edrinell Carballo.

Naging open naman si Dok Hayden sa mga tanong ng ilang press lalo pero ayaw pa rin niyang maungkat hangga’t maari ang isyu sa kanila ni Katrina Halili kung humingi na ba siya ng tawad at ang balitang pagdalaw niya kay Senator Bong Revilla.

Magmula kasi nang simula hanggang sa matapos ang interview sa controversial doctor ay ‘di nawawala ang pangalan ng Panginoon at kung paano siya nabago ng paniniwala na mayroong Diyos.

Noon daw kasi ay hindi siya naniniwala sa religion at kung may Diyos. Marami raw kasi siyang katanungan noon na hindi mabigyan ng kasagutan, lalo nang masangkot siya sa eskandalo na ikinatanggal pa ng kaniyang lisensya bilang isang doctor.

“Hindi ako naniniwalang may Diyos. Marami akong katanungan na walang makapagbigay ng sagot. Nagbago lang ang lahat nang maimbitahan ako sa isang pagtitipon na isinama ako ng isa rin doctor. Hindi akalain ng kasama kong doctor na siya pala ang magsisilbing host that day para magbigay ng kalinawan sa mga nangyayari sa isang tao at paniniwala sa Panginoon. Pagkatapos niya magpaliwanag ay nagtanong ako kung totoo bang may Diyos. Hindi ko na namalayan na habang nagsasalita ako ay umiiyak na pala ako at naikuwento ko na rin ang aking buhay at pinagdadaanan. Magmula noon, saka lang nagbago ang aking pananaw sa buhay at napagtanto na may Diyos talaga,” pahayag ni Dr Hayden.

Natanggap na raw niya ang kanyang mga nagawang pagkakamali at humingi ng patawad. Pero nang may sumundot na kung humingi na ba siya ng tawad kay Katrina Halili?

“Darating po tayo riyan. Hindi ko na sasabihin. Gusto ko kasi kapag humingi ng tawad ay kami na lang,” katuwiran ni Dok Hayden.

Sa isyu naman kung totoo na dinadalaw niya si Senator Bong at binabasahan ng Bible ay kaagad na nakiusap na huwag nang pag-usapan. Baka raw magalit si Lord. Hindi raw kasi maganda na pati ‘yun ay pag-usapan.

Kahit na anong pilit sa kanya kung totoo na dinadalaw niya si Senator Bong? Hindi niya ito inamin at hindi rin itinanggi. Nagpaalam na kasing magsisimula na sila ng taping ng Healing Galing with Dra. Carballo.

Oh. C’mon!
By Gerry Ocampo