GV Dahil sa 9gag at Best Vines

MINSAN NAIISIP natin na pare-pareho na lang ang nangyayari sa buhay natin. Pagkagising, naka-Internet agad ang karamihan sa atin para tignan kung may mga bago bang notifications sa Facebook, Twitter at Instagram. Iyong iba pa nga #selfie agad. Papasok sa eskuwela, uuwi sa bahay. Maglalakwatsa kasama kaibigan. Manonood ng TV. Mag-i-Internet, mag-i-Internet at mag-i-Internet.

Totoo nga naman, halos pare-pareho na lang ang ating routine sa araw-araw. Kaya hindi maiiwasan ang mainip tayo. Mga bagets pa, gusto niyan walang nasasayang na oras! Gusto niyang walang “dead air” nga na tinatawag. Kaya salamat sa 9Gag at Best Vines! Nang dahil sa mga ito, nawawala ang pagiging aburido natin at ng dahil sa kanila lahat tayo ay laging nakatawa!

Ang 9gag ay isang social media website na ang nilalaman ay puro larawan ng katatawanan. Ang website na ito ay siksik na siksik sa mga larawan at memes na makapagpapasakit ng tiyan mo buhat sa katatawa. Sa bagay, iisa lang naman talaga ang pinakalayunin ng 9gag at iyon ay ang mapasaya tao. Ang maganda sa 9gag, hindi ito trying hard magpatawa. Gumagamit ito ng mga larawan na pangkaraniwan sa ating lahat at nilalagyan ng mga ‘caption’ o kumento na para bang nangungusap sa lahat ng makakikita ng mga larawan na ito. Puwede mo ring iboto ang pinakapaborito mong 9gag photo o meme. Ang may pinakamataas na marka, iyon ang mapupunta sa pinakaunahan ng website.

Kadalasan, kaya tayo ay tawang-tawa sa 9gag dahil tinatamaan tayo o ‘guilty’ tayo sa ipinakikita nito. Ayon kay Ray Chan, ang co-founder ng 9gag, noong makaraang Disyembre ng 2011 ay umabot sa 2 billion views ang website na ito kada buwan.

Pero kung hindi ka pa makuntento sa mga larawan at memes sa 9gag, aba! Hindi problema iyan dahil Best Vines na ang bahala sa iyo. Ang Best Vines ay isang page sa Facebook na naglalaman ng mga pinakanakatatawa at pinakanakamamanghang videos. Kaya ito tinawag na Best Vines dahil ang mga videos na nakakalap dito ay inuupload ng mga tao sa pamamagitan ng software na Vine. Ito ay isang mobile app na pagmamay-ari ng Twitter na kung saan puwede kang gumawa at magpost ng iyong six-seconder video clips. Pati rin sa facebook puwede mo rin ito i-embed o i-post.

Dati, ito ay puwede lamang sa mga taong naka iOs ang phones pero ngayon puwede na rin ito sa Android at Windows phones. Ang Vine vidoes naman na nasa Best Vines page ng Facebook ay ang videos na pinaka sa lahat! Nariyan ang mga videos na pinakanakatatawa, pinakanakamamangha, pinakanakagigigil, pinakanakaiiyak. Basta lahat ng pinaka! “Best Vines” nga, ‘di ba?!

Ang teknolohiya nga naman, wala na nga yatang imposible ngayon. Pero mga bagets, huwag namang maadik sa mga websites na ito. Huwag ito ang pagkuhanan ng aliw. Kung minsan kasi sa sobrang adik ka na sa 9gag at Best Vines, inuuna mo pa tingnan ang website na ito kaysa mag-research sa mga aralin mo sa eskuwela. Huwag abusuhin. Gamitin ang oras nang tama. Mag-9gag at Best Vine lamang kapag alam mong tapos mo na ang mga dapat mong unahin para good vibes ang lahat!

Usapang Bagets

By Ralph Tulfo

Previous articleAnsabeee 11/27/13
Next articleArjo Atayde, naluha sa kanyang best supporting actor trophy sa Star Awards

No posts to display