Gov. Vilma Santos, gusto nang magkaapo kay Luis Manzano

Gov. Vilma Santos, gusto nang magkaapo kay Luis Manzano

Vilma-SantosNASASABIK NA rin naman kasi si Governor Vilma Santos-Recto na muling magkaroon ng baby na inaalagaan sa loob ng kanilang bahay, kaya sa presscon para sa “Ala Eh!” Festival na gaganapin sa Taal, Batangas, inamin ng premyadong aktres na gusto na rin niya talagang magkaapo mula sa kanyang panganay na si Luis Manzano. Malapit na kasi ang posibilidad, dahil pahapyaw na silang nagsasalita ni Angel Locsin ng tungkol sa kanilang mga plano.

Nagmana kasi si Luis kay Gov. Vi ng katagalang magplano tungkol sa pag-aasawa, dahil ang ipinapayo ng aktres noon kay Manzano ay mag-enjoy muna sa buhay-binata bago magdesisyon sa pag-aasawa. Thirty two na ngayon ang guwapong TV host, kaya si Ate Vi na ‘yung nakararamdam ng pagkagusto na mag-asawa na ang panganay niya. Malapit din naman ang loob ng wife ni Senator Ralph Recto kay Angel, dahil siya ang unang nalungkot nu’ng unang pagkakataon na magkahiwalay ang magkarelasyon.

Grabeng tumutok si Vilma kapag mayroong baby sa kanilang bahay. Napatunayan iyan sa pagpapalaki kina Luis at Ryan Christian Recto, dahil talagang ang gusto ng aktres-pulitiko ay nakikita niya ang mga bata na naaalagaan hanggang sa lumaki. ‘Yung kasabikan niya ngayon na magkaroon ng apo, palatandaan na kapag nagpakasal sina Angel at Luis ay magiging napakasuwerte ng kanilang mga magiging anak sa pagmamahal ni Ate Vi.

ChorBA!
by Melchor Bautista