Goodbye, AJ Perez!

ADVERTISING

Goodbye, AJ Perez!

‘PAG ORAS MO na, oras mo na. Sino ba naman ang mag-aakalang ang kadi-disiotso anyos pa lang na young actor na si AJ Perez ay pumanaw na nu’ng April 17, Palm Sunday.
Sa mga hindi nakaaalam, galing ng Bangus Festival sa Dagupan, Pangasinan si AJ kasama sina Matt Evans at Zaijian Jaranilla para sa Kapamilya Caravan.
Bago lumuwas pa-Maynila ang grupo, nagkaroon pa ng presscon with the local press, ayon kay Mommy Marivic. Before 12 mn, nag-tweet pa si AJ ng, “On the way home already from Dagupan.Long drive ahead.. Thanks to everybody who watched, thanks to zui for the gifts.And hi again to jarred!”
After an hour, may nag-tweet ng pa-blind item na may isang kapamilya young actor na namatay sa isang vehicular accident, na-curious kami, tinawagan namin ang isang taga-ABS-CBN, “Si AJ Perez daw!”
Napamura kami. Agad naming tinawagan ang celfone number ni AJ Perez, dahil hindi magandang biro ‘yan. Sinagot agad. Si Daddy Gerry, umiiyak, “Ogs, wala na ang alaga natin. ‘Andito kami ngayon sa Rayos Hospital sa Tarlac.
“Hindi ko alam, Ogs, kung ano’ng nangyari, dahil tulog kami lahat sa van. Si AJ lang ang nawala, the rest, nasugatan lang. Ogs, sana, panaginip lang ‘to, Ogs.
“Hindi puwede ‘to, Ogs. Si AJ at ang younger brother niya ang buhay namin ng mommy niya.
“Wala na, Ogs. Pagdampot ko sa anak ko, last two deep breath, bumigay na siya, pero dinala ko pa rin dito, pero Ogs, wala na si AJ, Ogs.
“Hindi ko alam, Ogs, basta du’n sa likod si AJ, du’n sa side niya bumangga ‘yung bus. Ewan ko, hindi ko na alam ang nangyari talaga. Ang bata pa niya, Ogs.
“Hindi rin siya sakit ng ulo. Mabuting bata ang anak ko, alam mo ‘yan, friendly si AJ, very professional na artista, ba’t siya pa, Ogs, sana, ako na lang!” Iyak nang iyak si Daddy Gerry.
Gusto naming yakapin si Daddy Gerry that time para damayan at makidalamhati rin. Wala kaming magawa, kundi makinig lang sa kanya at i-console siya na ‘wag siyang bibigay.

Goodbye, AJ Perez!
HULING PAGKIKITA NAMIN ni AJ ay nu’ng mag-judge ito sa Showtime. Huling text namin ni AJ ay nu’ng itanong namin sa kanya ang number ni Xian Lim.
Favorite number ni AJ ang “17”, kaya may jersey siyang green nito. Kaya ang kanyang Twitter username ay @ajperez17.  He was born February 17. At sa favorite number din niya natapat ang kanyang pagkamatay – April 17.
Si AJ ay hinuhulaan sanang magiging Rico Yan someday, dahil parehong La Sallista, parehong may ‘di matatawarang breeding, mahusay makipagkapwa-tao, friendly, palangiti, very thoughtful at may mataas na pa-ngarap sa buhay, dahil napakaimportante ng edukasyon sa kanila.
Nagpakuha pa si AJ noon sa harap ng picture ni Rico na naka-display sa hallway ng ABS-CBN.
Lahat ng pagkukumpara kina Rico at AJ ay “sinuma” na ng mga nagmamahal sa kanila bukod sa kanilang katangian na parehong-pareho.
Bangungot ang ikinamatay ni Rico. Tulog din si AJ nu’ng mangyari ang aksidente.
Parehong Holy Week namatay ang dalawa. Biyernes Santo namatay si Rico (sa Dos Palmas Resort sa Palawan), si AJ naman ay Palm Sunday.
Si AJ ay namatay ng April 17, si Rico naman ay namatay at the age of 27. Pareho silang Kapamilya. At ipinagmamalaki ng kani-kanilang pamilya at ng mga nagmamahal sa kanila.

KATATAPOS LANG GAWIN ni AJ ang teleseryeng Sabel kung saan karibal niya kay Jessy Mendiola si Joseph Marco.
I heard gagawa rin sana sila ng movie ni Kathryn Bernardo ng Mara Clara.
Sa kanyang Twitter account, tinanong pa niya sa followers niya kung naipalabas na ba ang trailer ng MMK na ginawa niya bilang taong grasa na sa April 30 ipalalabas.
“Nu’ng pinapanood ko ‘yon, Ogie, ewan ko ba, bigla na lang akong naiyak nang hindi ko alam kung bakit, kaya tumawag agad ako kay Daddy kung nasaan na sila, dahil 11 pm na, eh,” sabi ni Mommy Marivic. “Sabi ng asawa ko, on the way na sila. Pero balisa pa rin ako.”
Kuwento pa ni Mommy Marivic, “Nagpaalam nga ‘yang si AJ nu’ng first week of April kung puwede siyang mag-Boracay with his friends.
“Kahit ayaw namin, pinayagan ko rin, basta mag-iingat sila ‘ka ko. Tapos, ‘eto, kasama pa ‘yung daddy niya sa biyahe sa Dagupan, naaksidente pa.
“Kaya hindi mo talaga masasabi ‘pag aksidente talaga, Ogie,” umiiyak pang kuwento ni Mommy Marivic sa amin.

Ido-donate ang mga mata ni AJ kay Fatima Soriano, ang bulag na Marian devotee.

ADVERTISING

VERY CLOSE SA amin ang mag-amang Gerry at AJ Perez. Lahat ng okasyon sa buhay namin, laging present ang mag-ama.  Kumpare namin  sa  aming 3-year old daughter si AJ.
Kami rin ang tinatawagan ni Daddy Gerry para kami ang mag-explain kay AJ nang mas malinaw kapag nalalabuan ang bata sa mga kaganapan sa showbiz, lalo na pagdating sa akting at dapat na ma-ging look sa TV since ito nga ang hinuhulma bilang matinee idol.
Matatagalan pa bago matanggap ng Pamilya Perez at ng mga nagmamahal na fans, kaibigan at katrabaho ang nangyari kay AJ Perez.
Ang agang kinuha ni Lord, sana man lang, napatikim kay AJ ang bunga ng pinaghirapan ng bata, lalo na’t super dedica-ted sa kanyang trabaho.
AJ, alam namin, masaya ka na sa kinalalagyan mo ngayon. Siguro, sana, tulungan mo na lang na matanggap ng mga naiwan mong nagmamahal sa ‘yo ang nangyari, maka-recover at maka-move on.
Sa ngayon, gusto kong magpasalamat sa napakabuti mong kalooban at genuine friendship na ipinaramdam mo sa akin, sa pamilya ko, sa inaanak mo, sa mga okasyon ng buhay ko na nandiyan ka palagi, na kahit sa maikling panahon, pinatunayan mo.
Sana, may makilala pa rin akong tulad n’yo ni Rico Yan sa mga kabataang nag-aartista ngayon. Salamat at paalam, AJ.
Hindi mo naririnig, pero alam kong nararamdaman mo, sasambitin ko ngayon,

huli man at magaling, naihahabol pa rin…
Mahal na mahal kita, anak…

Oh My G!
by Ogie Diaz

ADVERTISING