GMA-7’s Newest Lolita: Claire Castro, palaban din tulad ng inang si Raven Villanueva

MAPAPANOOD NA simula sa April 5 ang bagong afternoon prime series ng GMA-7 na ‘Nagbabagang Luha‘. Ito ang TV adaptation ng 1988 Pinoy classic film with the same title na hanggang ngayon ay memorable ang linyahan sa pagitan nina Lorna Tolentino at Alice Dixson.

Sa bagong bersyon ay muling magbabalik-teleserye ang talented Kapuso actress na si Glaiza de Castro. With Rayver Cruz and Mike Tan as her leading men, isang baguhang artista ang kanyang makakasagupa. Ito ay walang iba kundi si Claire Castro.

GMA-7's Newest Lolita: Claire Castro, palaban din tulad ng inang si Raven Villanueva
Claire Castro

Sino si Claire Castro? Siya lang naman ang anak ng dating teen stars na sina Diego Castro at Raven Villanueva. Katulad ng kanyang ina, natural na maganda at inosente ang aura ng dalaga. Nang silipin namin ang kanyang Instagram account ay nalula kami sa dami ng magandang kuha with matching confidence sa pagpapasilip ng kanyang napakaseksing katawan. Naalala tuloy namin ang panahon nang magdesisyong mag-crossover from pa-tweetums to pa-sexy ang kanyang inang si Raven Villanueva bago pa ito nagretiro sa showbiz at namalagi si Amerika.

Two years ago pa pumirma ng exclusive contract sa GMA-7 ang bagong ‘lolita’ ng showbiz, pero ngayon lang ito nabigyan ng second lead role.

 

Sa teaser trailer ng programa ay makikita mo na rin na in fairness, hindi lang puro ganda ang dalagang ito. May mga nagsasabi pa nga na mukhang si Claire na ang magiging ‘Ivana Alawi’ ng Kapuso Network. What does that imply? ‘Yung tipong inosente ang dating ng mukha pero confident din sa pagpapaseksi on camera. Hindi na kami magtataka kung pasukin na rin nito ang pagba-vlog.

Pero bago ‘yan, excited na rin kami na mapanood ang isa sa mga TGIS babies na patunayan na deserve din nila ang natatamasang break sa showbiz. Teka, kamusta na kaya ang kanyang mother dearest? Ano kaya ang masasabi niya sa career path na pinili ng kanyang anak?

Magbabaga ng bonggang-bongga ang mga hapon ng mga Kapuso simula ngayong April 5 sa pagdating ng Nagbabagang Luha. Ang Hot!