Gladys Guevarra, ‘di p’wedeng basta na lang babalik sa “Eat… Bulaga!”

Gladys Guevarra, 'di p'wedeng basta na lang babalik sa "Eat... Bulaga!"

Gladys Guevarra, 'di p'wedeng basta na lang babalik sa "Eat... Bulaga!"Noong una ay marami talaga ang nalalabuan kung bakit umalis si Gladys “Chuchay” Guevarra sa programang “Eat… Bulaga!” ng GMA 7 habang napapansin na noon na kakaiba rin ang kanyang istilo sa pagpapatawa, lalo na sa kanyang panggagaya kina Tita Annabelle Rama at Mommy Dionesia Pacquiao.  Inaabangan siya lagi noon kapag sumasalang na sa katatawanan bilang isa sa mga Dabarkads ng noontime show nina Tito Sotto, Vic Sotto, at Joey de Leon.

Aminado naman si Gladys Guevarra na mayroon din kasi siyang ugali dati ng pagiging pasaway. Kung ayaw na niya, ayaw na niya. Ang taray rin naman kasi ng komedyana, dahil dose anyos lang ay kumakanta na siya at nagbabanda-banda na. Nakapag-ipon din siya ng pera, at nagnenegosyo pa nga siya, kaya naman kapag gusto niyang magpahinga at tanggihan ang mga trabaho para sa bumobongga na niya noong career ay wala siyang pakialam. “Kapag gusto kong magbakasyon at matulog, matutulog ako. Ganu’n ako dati, eh,” pag-amin ng komedyana.

Hindi mahilig si Gladys na magpaliwanag kahit iniintriga na ang kanyang pag-alis sa Eat… Bulaga. Nitong ipino-promote na lang niya ang Valentine Concert nilang “Panahon Ng May Tama: Comekilig” na gaganapin sa February 13 sa Smart Araneta Coliseum, doon pa lang niya nasagot at naipaliwanag ang pagtataka ng marami tungkol sa pagkawala niya sa show nina Tito, Vic at Joey. Puwede pa naman pala siyang bumalik sa programa, pero ang tanong daw ay kung kailangan pa ba siya roon? Isyu rin, na kung babalik daw siya sa EB ay marami kang taong kakausapin para makabalik, at hindi puwedeng basta lang siya babalik doon.

ChorBA!
by Melchor Bautista