Gina Pareño, walang imposible kung gustong magbago at tulungan ang sarili

Gina Pareño, walang imposible kung gustong magbago at tulungan ang sarili

Gina Pareño
Gina Pareño

Kung pagbabago ng mga dating nalulong sa bisyo ang pag-uusapan, si Miss Gina Pareño ang isang malaking halimbawa na walang imposible kung gusto mong magbago at tulungan ang iyong sarili.

Pagkatapos tumalikod ng beteranang aktres sa bisyo ay nakabalik siya sa kanyang pag-arte, at napakarami niyang nagawang pelikula habang niyayakap na niya ang kanyang pagbabago. Ngayon, sa edad ni Gina, isa pa rin siya sa pinakaabalang aktres sa showbiz.

Naalaala pa namin, mga five years bago maganap ang pagbabago ni Miss Gina ay namataan pa namin siya sa Tondo, isang gabing mayroong okasyon sa isang lugar doon. Kasama ang ilang mga kasamahan sa panulat ay rumampa kami sa isang nag-imbita. Nakita namin doon si Gina, kasama ang isang dating actor na nagdirek na rin sa pelikula.

May edad na noon si Gina, pero nagulat kami sa kaseksihan niya at ganda ng kanyang mukha. Bisyo raw ang dahilan, bulungan sa lugar na iyon. Pero nu’ng magbago na si Gina ay biglang lumapad ang kanyang katawan, pero tinanggap ulit sa showbiz.

Nakalulungkot lang, na ang dami-daming mga sumikat na artista ang ngayon ay hindi maganda ang takbo ng pamumuhay. Dahil karamihan sa kanila ay naghihirap at dahil hindi na makabalik sa kanilang pag-aartista, kasi nga’y mga nagbago na ang hitsura at nawala sa porma.

Hindi na lang nila gawing halimbawa ang pagbabagong ginawa ni Gina Pareño, na naghatid talaga sa kanyang muling pagiging abala sa showbiz nang siya na mismo ang dumistansiya sa bisyo.

ChorBA!
by Melchor Bautista