Gina PareÑo may panawagan: ‘Kunin naman n’yo ako. baka mauwi ako sa mental nito!’

Leo Bukas

WALANG ginagawang project ngayon ang beteranang aktres na si Gina Pareno kaya nasa loob lang siya ng kanilang bahay hindi rin pinapakilos at pinalalabas ng kanyang mga anak.

“Wala… hindi man lang nila ako pinapagawa sa bahay, eh,” kuwento nito sa vlog ni Ogie Diaz.

Gina PareÑo may panawagan: ‘Kunin naman n’yo ako. baka mauwi ako sa mental nito!’
Gina Pareno

Nilinaw naman ni Gina na hindi siya nakakaranas ng depression pero paminsan-minsan daw ay naiiyak siya kapag naaalala niya ang kanyang malulungkot na nakaraan.

“Para akong nagdadrama sa kuwarto iiyak, pero ngayon hindi na masyado. Ngayon mo nga lang ako napaiyak ulit, ah,” sabi ng award-winning actress  kay Ogie.

Hirit naman ni Ogie, “Iyakin ka talaga!” na sinagot naman ulit ni Gina nang, “Hindi ako nahihiya sa ‘yo.”

Matatandaang nagkaroon ng bisyo noon ang aktres pero wala na ito ngayon  at matagal nang tinalikuran ng aktres. Ang hindi lang daw niya kayang iwasan ang paninigarilyo.

“Hanggang mamatay ako, sigarilyo. Yan lang ang kaisa-isa kong bisyo hindi ako marunong uminom, hindi ako nagsusugal, lagi lang ako sa bahay. Yon lang talaga ang bisyo ko. Happines ko yon, hayaan mo na ako,” deklara pa niya.

Tinanong si Giina kung sinabihan ba siya ng doktor na tigilan na ang pagyoyosi pero ang reaksyon niya, “Ayaw ko sa doktor- doktor, takot ako, uy!”

Hindi rin daw siya  nagpapa-check up.

“Ayaw, takot ako. Eh, wala naman akong nararamdaman, mahal (tawag niya kay Ogie). Takot ako.”

Nagsimula bilang dancer si Gina hanggang naging Dance O Rama Queen siya noon na nagbukas ng pinto para pasukin na rin niya ang pag-aartista.

“Yon  pala mauuwi ako sa artista,” sambit niya.

“Uy, sa mga hindi nakakaalam ha, si Tita Gina ay nag-Darna rin nung araw.” Reaksyon naman dito ni Gina, “Oo nga, ang ganda ko pala no’n?”

Balik-tanong ni Ogie, “Anong taon nga yon?”

“Ewan ko, bayad na yon, eh. Ha-hahaha!” tumatawang sagot ng aktres.

Mas naunang naging Darna si Gina kaysa kay Vilma Santos.  At dahil nga walang project ngayon kaya sobrang nami-miss niya na raw ang pag-arte.

Sa mga batang artista sino baang nami-miss ni Ms. Gina?

“Ang dami namang magagaling sa mga bata ngayon, eh. Nakakagulat ’no, nakakaano (inspire) pag nakikita mong magagaling. Gustung-gusto kong nakikita, pinapanood ko. Kaya dumarating (sa akin)  yung punto na, ‘Sana ako rin kunin ako kasi ang gagaling.’

Eh, paano kung si Lord naman ang kukuha sa ’ yo?” seryosong sabi ni Ogie.

“Ay hindi si Lord, ayaw pa niya.  Napakamaldito mo. Ha-hahaha!” sabay nagkatawanan ang dalawa.

“Kaya nga ako nagti-TikTok kasi miss kong umarte. Nakakaloka ang hindi umarte. Uy, alukin naman ninyo ako. Kunin naman n’yo ako. Sa kuwarto umaarte-arte ako ron, baka mauwi ako sa mental nito!,” pakiusap ng magaling at beteranang aktres.

 

Previous article‘High On Sex’ director GB Sampedro iginiit na hindi dapat iniiwasang pag-usapan ang sex
Next articleJaclyn Jose ayaw maging hadlang sa pagsikat ng ibang sexy stars