German Moreno, bumubuti na ang kalagayan

German Moreno, bumubuti na ang kalagayan

German-MorenoINILIPAT NA kahapon sa private room ang Master Showman na si German Moreno mula sa Acute Stroke Care Unit ng St. Luke’s Hospital sa E. Rodriguez Ave.,  Quezon City, kung saan naratay ito simula pa nu’ng Friday nang ma-mild stroke dahil sa over fatigue.
Kuwento nga ng secretary nitong si Ms. Chuchie Fajardo, “Bukas (January 6) ililipat na sa private room si Kuya Germs mula sa Acute Stroke Care Unit. Okey na si Kuya Germs, bumubuti na raw ang kalagayan nito.”
Nakakausap naman daw si Kuya Germs pero bawal pa rin daw itong tumanggap ng bisita.

“Okey na si Kuya Germs pero bawal pang tumanggap ng bisita dahil na rin sa utos ng doctor. Siguro sa mga susunod na araw baka puwede nang bisitahin si Kuya Germs. Kailangan lang magpahinga ni Kuya Germs para mas mapabilis ang kanyang paggaling.”
Humihingi nga raw ng paumanhin ang pamilya ni Kuya Germs sa mga taong nagmamahal at magmamalasakit sa Master Showman na gustong dumalaw dahil hindi pa rin ito puwedeng bisitahin dahil na rin sa utos ng doctor.
Nagpapasalamat nga ang pamilya nito sa mga taong patuloy na nagdarasal para mas maging mabilis ang paggaling ng nag-iisang Master Showman.

John’s Point
by John Fontanilla