Gardo Verzosa, natural ang pagiging maamo sa tao

Gardo Verzosa, natural ang pagiging maamo sa tao

Gardo-VerzosaSOBRANG MAHALAGA para kay Gardo Versoza ang kanyang trabaho bilang artista. Kaya naman mula noon hanggang ngayon, hindi nagbabago ang positibo niyang ugali pagdating sa trabaho. Kaya nga hindi siya nawawalan ng proyekto.  Noong nagpapaseksi pa lang siya sa kanyang mga pelikula, inambisyon niya talaga na sana naman, kung naghuhubad siya sa kanyang mga pelikula, makalabas din naman siya sa telebisyon. Dahil kung sa TV, tiyak na nakadamit siya at hindi huhubaran.

Kasama ngayon si Gardo sa teleseryeng Let The Love Begin ng GMA-7. Ilang magkakasunod na teleserye ang katatapos lang niyang labasan sa Kapuso Network. Kaya happy naman siya dahil hindi nga siya nababakante. Kahit naman ang mga taga-Siyete ay nagsasabing magaan katrabaho ang actor, dahil wala siyang arte at reklamo. Ugali na talaga niya ang pagiging maamo sa mga tao. Noong kasikatan pa niya sa pagpapaseksi, hindi siya takot na dumugin, lapitan, at tsikahin ng mga tao, dahil siya mismo ay naaaliw na makipag-usap sa mga fans.

“Isa ‘yon sa pinakamasayang parte ng buhay ng mga artista. ‘Yung nilalapitan ka at kinakausap ng mga fans para iparamdam sa iyo na ina-appreciate ka nila. Nasa tamang pagbibigay mo lang iyan ng panahon sa mga tao. Oo, kahit na magtitinda pa iyan ng balut, kausapin mo at sa kuwentuhan n’yo at may matututunan ka rin sa kanila,” wika ni Gardo.

ChorBA!
by Melchor Bautista