FOR A CHANGE! Sean de Guzman natuwang babae naman ang kapareha sa pelikula

Leo Bukas

MASAYA ang aktor na si Sean de Guzman dahil finally ay babae na ang makaka-partner niya ngayon sa pelikulang Nerisa ng Viva Films na pagbibidahan ni Cindy Miranda ay kapareha ni Sean ang sexy star na si AJ Raval.

FOR A CHANGE! Sean de Guzman natuwang babae naman ang kapareha sa pelikula
Sean de Guzman and AJ Raval

Sa pelikulang Anak Ng Macho Dancer na launching movie ni Sean mula sa Godfather Productions ay sa modelong si Ricky Gumera at kay Jay Manalo siya nagkaroon ng mga intimate scenes. Sa kanyang next movie na Ang Huling Baklang Birhen sa Balat-Lupa na hindi pa naipapalabas ay si Teejay Marquez naman ang kanyang kapareha.

Ang Anak ng Macho Dancer at Ang Huling Baklang Birhen ay parehong idinirek ni Joel Lamangan.

Sa tanong namin kay Sean sa virtual storycon at mediacon ng Nerisa ay natatawang ibinahagi ng binata kung ano ang nararamdaman niya ngayong babae na ang partner niya sa movie.

“Siguro mas naging kumportable ako ngayon kasi si AJ na yung partner ko. Yung sa mga nakaeksena ko before, inisip ko na lang na parang challenge sa akin yon kumbaga bilang baguhang aktor.

“Natuwa po ako nung nalaman ko na babae naman. Sabi ko, ‘Ay, bago-bago. Hahaha. Nakakatuwa po,” masaya at nakangiti niyang pahayag sa amin.

FOR A CHANGE! Sean de Guzman natuwang babae naman ang kapareha sa pelikula
Sean de Guzman

Dagdag pa ni Sean “Excited din po ako na makatrabaho po hindi lang si AJ Raval kundi pati po yung ibang cast na kasali po sa pelikula.”

Sa Nerisa ay gagampanan ni Sean ang roleng  isang student leader na makikilala naman  ang character ni AJ Raval. Kasama rin sa pelikula na kasalukuyan nang nagla-lock-in shooting sa isang probinsya sina Aljur Abrenica, Elizabeth Oropesa at Bembol Roco.

Ang Nerisa ay sa direksyon ni Lawrence Fajardo.