Ethel Booba nagbabalik sa ‘Sing-Galing’

Leo Bukas

PATOK ang comeback ng original Sing-Galing BidaOke champion na si Ethel Booba sa stage ng iconic videoke game show ng TV5 sa kanyang pakikipagkulitan bilang guest star ngayong season. Simula noong June 1 episode, gabi-gabi nang makikipag-kantawanan si Ethel sa Sing-Galing!

Ethel Booba nagbabalik sa ‘Sing-Galing’
Ethel Booba

Hindi maikakaila na kilala ang diva na si Ethel Booba di lamang sa kanyang pagpapatawa kundi na rin sa talento niya sa pagkanta. Noong 2002, nagsimula ang karera ng komedyante sa telebisyon matapos siyang sumabak sa Sing-Galing, kung saan siya ang tinanghal na BidaOke Star ng apat na linggo.

Kilala rin si Ethel sa kanyang flamboyant outfits at powerful vocals, kaya naman itinuturing siyang isa sa mga remarkable singtestants ng Sing-Galing. Kabilang sa mga kinanta ni Ethel sa contest noon ang Memory ni Barbra Streisand, My Valentine ni Martina McBride & Jim Brickman, at All Behind Us Now ni Patti Austin.

Hatid ng Cignal TV at TV5, ang Sing-Galing ay humihimok sa lahat ng Pilipino na mahilig sa pagkanta — bata man o matanda, baguhan man o batikan — na sumali sa programa at ipagsigawang “Magkaka-sing galing tayong lahat!”

Sa bawat episode, tatlong singtestants ang makikipag-kantawanan sa tatlong rounds para sa BidaOke Star of the Night title, at para sa pagkakataong makapasok sa grand finale.

Bilang ito ay isang espesyal na comeback para kay Ethel, may hinanda rin siyang nakakamanghang pasabog sa lahat ng viewers ng Sing-Galing. Ang pagbabalik ni Ethel Booba sa programa ay siguradong walang humpay na aliw kasama ang mga Sing Masters na sina Randy Santiago, Donita Nose, at K Brosas, at Juke Bosses na sina Rey Valera, Ronnie Liang, at Jessa Zaragoza.

Ang Sing-Galing na unang umere noong late 1990s ay napapanood gabi-gabi, 6:30, sa TV5. Isa rin itong multi-awarded Videoke Game program na nagbibigay ng pagkakataon sa kahit sinuman na makilahok at manalo, gamit lamang ang guts at confidence na mag-enjoy sa show.