Enrique Gil, hindi nakikipagkarera para sumikat

Enrique Gil, hindi nakikipagkarera para sumikat

Enrique-GilTAMA LANG naman ang attitude ni Enrique Gil na sa larangan ng pagsikat at pagpapatunay ng kanyang sarili sa showbiz ay hindi siya parang nakikipagkarera sa pagmamadali. Nariyan lang siya, pero nararamdaman talaga. Kasi nga, sa hanay ng mga bagets stars ng Kapamilya Network ay siya ‘yung tuluy-tuloy lang ang kasipagan, pero alam mong may nararating. Napakarami na rin niyang fans na naaaliw sa kasimplehan niya.

Itong pagbibida nina Enrique at ng kanyang leading lady sa teleseryeng Forevermore na si Liza Soberano sa ABS-CBN ay lumikha ng bagong init sa kanilang career. Gusto ng mga kabataang manonood ang kanilang teleserye at maging ang mga matatanda ay naaliw sa kanilang serye. Pero ang guwapong actor, walang kaangas-angas sa anumang pagpuri na nakararating sa kanya, na okey ang kanyang huling teleserye na ginawa.

Nakalinya si Enrique na sumunod sa mga yapak nina Piolo Pascual, John Lloyd Cruz, at Jericho Rosales. Habang tumatagal ang kanyang career ay nagiging seryoso siyang actor. Puwede naman siyang isunod sa yapak nina Piolo, Lloydie, at Echo, dahil napakaguwapo ni Enrique. Bukod din sa masipag siya na magaan katrabaho, ay siya ang tipo ng actor na sobra ang pasasalamat sa tuwing magkakaroon siya ng mga dumarating na proyekto.

ChorBA!
by Melchor Bautista