‘Endless Love’ nina Dingdong Dantes at Marian Rivera, muling mapapanood sa GMA

MISS MO NA ba ang Kapuso Primetime King and Queen na sina Dingdong Dantes at Marian Rivera? Huwag nang malungkot dahil magbabalik-primetime ang DongYan!

Muling ipapalabas ng Kapuso Network ang Philippine adaptation ng iconic Koreanovela na ‘Endless Love‘ na unang ginampanan nina Song Seung-heon at So Hye Kyo (Endless Love: Autumn in my Heart). Ang Philippine adaptation ay ipinalabas mula June hanggang October 2010.

'Endless Love' nina Dingdong Dantes at Marian Rivera, muling mapapanood sa GMA
Dingdong Dantes and Marian Rivera in Endless Love

Pagkatapos ng mahigit isang dekada ay mapapanood na ng new generation ang Endless Love ng DongYan. Ang paniwala ng nakararami ay sa programang ito lalong naging solid ang offscreen romance nina Dingdong at Marian.

Memorable din ang nasabing programa dahil ang Kapamilya superstar na si Kathryn Bernardo ang gumanap na Young Marian Rivera. Nakapareha naman niya rito ang Kapuso actor na si Kristoffer Martin, na gumanap naman bilang Young Dingdong Dantes.

Kasama rin sa cast ng Endless Love sina Dennis Trillo, Nadine Samonte, Bela Padilla, Tirso Cruz III, Sandy Andolong, Janice de Belen, Kuh Ledesma, Ces Quesada, Gabby Eigenmann, Janna Dominguez, Marco Alcaraz, Mosang, Bernard Palanca, Lucho Ayala at Joyce Ching.

Hindi maikakaila na miss na miss na ng DongYan fans ang kanilang ideal couple dahil matagal-tagal na rin sila hindi napapanood sa telebisyon. Ang ‘My Beloved’ na ipinalabas pa noong 2012 pa huling nagsama ang dalawa sa isang teleserye. Sa big screen naman ay hindi na nga namin matandaan kung saan sila huling nagsama.

Ngayon na medyo settled na ang pamilya Dantes pagkatapos manganak ni Marian Rivera sa kanilang bunso na si Ziggy, siguro naman ay puwede na rin magbalik-telebisyon o pelikula ang dalawa na magkasama, ‘diba? They owe it to their loyal fans na matagal-tagal na rin sabik na makanood ng fresh content mula sa mag-asawa.

Ang Endless Love ay muling mapapanood sa GMA simula June 7. Ito ang papalit sa Owe My Love nina Lovi Poe at Benjamin Alves.