Ella Cruz gaganap bilang Aeta na nangarap maging beauty queen sa pelikulang ‘Gluta’

Leo Bukas

May bagong pelikula ang Viva artist na si Ella Cruz. Ang title nito ay Gluta na sinulat at idinirek ni Darryl Yap.

Gaganap si Ella bilang isang Aeta sa Gluta na ang pangalan ay si Angel. Tatakbo ang kwento ng Gluta sa isang katutubong Aeta na nangangarap maging isang beauty title holder.

Ella Cruz gaganap bilang Aeta na nangarap maging beauty queen sa pelikulang ‘Gluta’
Ella Cruz

Simula noong bata pa lang siya, nilalait na siya ng mga tao dahil sa angkin niyang kulay, ngunit sinabi niya sa sarili na kahit ganoon ang kulay niya, maganda siya at papatunayan niya sa mundo na mananalo siya sa isang beauty contest.

Sa kanyang paaralan magaganap ang Miss University pageant. Pero dahil sa isang masamang balak, papasok ang pangalan ni Angel bilang representative ng Miss Tourism.

Para tuluyang masira si Angel, gagamitin ng kanyang karibal ang karakter ni Bambino na gagampanan ni Marco Gallo a nagkataon namang crush ni Angel para saktan ito.

Habang hinahamak siya ng mga tao, lalo namang ipagmamalaki ni Angel ang kanyang sarili.  Magfo-focus ito sa Miss University pageant kung saan masusubok ang kanyang kumpyansa sa sarili.

Excited si Ella Cruz sa proyektong ito dahil ito ang unang pelikula niya kasama si Darryl Yap bilang direktor at marami itong mahahalagang leksyon tungkol sa totoong kulay ng kaligayahan. Maraming humahanga kay Ella sa kanyang mga talento at marami siyang followers kaya naman siguradong tatatak ang papel niya sa Gluta.

Kasama sa Gluta si Juliana Parizcova Segovia bilang Uncle Goliath, na sekretong gumagamit ng glutathione at kabahagi ng LGBT,  Rose Van Ginkel at Cristina Gonzales.

Si Direk Darryl ang writer-director ng blockbuster movie na Jowable at Vivamax original movies na Paglaki ko, Gusto ko Maging Pornstar,  Tililing at Ang Babaeng Walang Pakiramdam.

Ipalalabas ang Gluta sa Vivamax simula July 2, 2021.

Mag-subscribelang  sa Vivamax sa web.vivamax.net. Maaari ring mai-download ang app at mag-subscribe sa Google Play Store at App Store o bumili ng Vivamax vouchers sa Shopee at Lazada. Watch all you can na sa halagang P149 kada buwan o P399 para sa tatlong buwan para sulit na sulit.