‘Di pa man umaamin sa relasyon, Kristine at Oyo Boy, live-in na?! – Morly Alinio

'Di pa man umaamin sa relasyon, Kristine at Oyo Boy, live-in na?! - Morly Alinio

'Di pa man umaamin sa relasyon, Kristine at Oyo Boy, live-in na?! - Morly AlinioWALANG NAKIKITANG MASAMA si Gabby Concepcion kung magkakasama sa isang pelikula ang anak niyang si KC Concepcion at si Robin Padilla. Ayon kay Gabby, smart at matalino umano ang dalaga niyang anak kaya alam nito ang kanyang mga ginagawa.
Sinabi rin ni Gabby na wala siyang nakikitang masama sa ginawa niyang pagdi-daring sa pelikulang I love You, Goodbye kung saan ay nagkaroon sila ng mga maiinit na eksena ni Angelica Panganiban.

HINDI NAMAN GALIT o nagtatampo, kaya lang ay may himig hinanakit ang tinig ni Angel Locsin kung saan mas pinaburan ni Luis Manzano ang pagpunta sa Las Vegas kaysa samahan siya nito sa nakaraang Emmy’s Award.
Ayon sa isang malapit na kaibigan ni Angel, dapat daw sana ay nagkabalikan na sina Luis at Angel kung sinamahan lang ni Luis ang dalaga noong ito ay manomina sa Emmys.

“Ewan ko ba kay Luis bakit mas binigyan niya ng halaga si Manny kaysa sa babaeng mahal niya.” Pahayag ng aming source na nagsabi ring totoong never nakipagbalikan si Angel sa mga naging boyfriend nito. “Pero mukhang masisira ang paninindigang iyon ni Angel dahil hanggang ngayon, mahal pa rin ni Angel si Luis.”

MARIING ITINANGGI NI Jolina Magdangal ang balita na kaya sila nagkahiwalay ni Bebong Muñoz ay dahil may kabadingan ito.

“No, that’s unfair naman kay Bebong, hindi totoo iyan. Nagkahiwalay kami dahil gusto namin. ‘Yun lang.” Paliwanag ni Jolina nang nakausap namin sa press party ng PPL Entertainment ni Perry Lansingan, manager nina Jolina at Dingdong Dantes, kamakailan.

Ayon kay Jolina masaya ang takbo ng kanyang buhay sa ngayon sa piling ni Mark Escueta pero hindi ibig sabihin noon ay handa na siyang magpakasal.

“No, wala pang ganu’n. Wala pang kasalang mangyayari. Kung ‘yun ngang sa amin ni Bebong na matagal na talaga kami, e, biglang nawala, ‘yun pa kayang halos kelan lang. I mean sana… sana ito na ngang si Mark ang lalaking pakakasalan ko.”
Hindi naman daw nagmamadaling mag-asawa si Jolina pero hindi na raw siya bata para sa edad na 31.

“Gusto ko na talagang magkaanak pero gusto ko kung magkaka-baby ako ay kasal ako du’n sa ama ng aking magiging baby.”

TULOY NA TULOY na ang kasal ni Angelika dela Cruz sa December 4, kung saan ang mga tatayong ninong at ninang ay sina Boy Abunda, Kris Aquino, Mark Jimenez, Sen. Jinggoy Estrada, Sen. Lito Lapid, Sen. Ping Lacson, Gina Alajar at Amy Austria. Habang sina Tanya Garcia, Jodi Santa Maria at Judy Ann Santos ay mga secondary sponsors.
Sinabi ni Angelika na ang pagpapakasal nila ni Orion Casereo ay matagal na nilang plano bago pa siya magbuntis at manganak.

“Actually naurong lang ito nang naurong dahil sa akin. Marami pa kasi akong dapat tapusin at ayusin. But since okey na ang lahat, heto, tuloy na ang kasalan,” nakangiting sabi pa ni Angelika.

Kahit talunan ay masaya pa rin si Kristine Hermosa para sa kanyang boyfriend na si Oyo Boy Sotto na nanalo sa nakaraang Star Awards for TV. Tinalo ng Midnight DJ ng channel 5 ang Nasaan Ka, Maruja? ng channel 2.
Usap-usapang matagal na raw nagli-live-in sina Kristine at Oyo, pero paulit-ulit itong itinatanggi ng dalawa.

“Wala pa nga silang ginagawang pag-amin tungkol sa kanilang relasyon, ‘yun pa kayang ‘live-in’ ang kanilang aminin?” Mataray na sabi ng aming source.

More Luck
by Morly Alinio