Dennis Padilla aprubado kay Gerald Anderson para maging nobya ni Julia Barretto

Leo Bukas

APRUBADO para kay Dennis Padilla na maging boyfriend ng anak niyang si Julia Barretto ang Kapamilya hunk actor na si Gerald Anderson. Ito ang inamin ng komedyante sa isang TV interview kamakailan lang.

Ani Dennis, tanggap  niya si Gerald bilang kasintahan ng kanyang anak kahit hindi pa niya nakakaharap nang personal ang binata. Hindi pa raw kasi ito pormal na ipinakikilala sa kanya ni Julia.

Dennis Padilla aprubado kay Gerald Anderson para maging nobya ni Julia Barretto
Dennis Padilla | Julia Barretto and Gerald Anderson

Sinabi rin ni Dennis sa naturang virtual interview sa kanya ni MJ Marfori na nung panahong nagkasakit siya at naka-isolate dahil sa pagiging positibo sa covid-19 virus  ay palagi silang nag-uusap sa phone ni Julia.

Kung anuman daw ang desisyon ng anak niya pagdating sa personal na buhay nito ay sinusuportahan at nirerespeto niya.  Ang importante daw ay masaya ang kanyang anak.

“Sa kanya naman yon, eh, kung masaya naman siya sa magiging buhay niya. Basta kung saan siya masaya, eh, doon ako masaya,” deklara ng komedyante.

Nagbitiw din ng salita si Dennis na tila patungkol kay Gerald.

“Ang importante lang sa akin, eh, huwag lang sasaktan ang anak ko,” babala pa niya.

Dennis Padilla aprubado kay Gerald Anderson para maging nobya ni Julia Barretto
Dennis Padilla with daughter Julia Barretto

Inamin ni Gerald ang romantic involvement niya kay Julia noong March 5, 2021 pagkatapos ng hindi mamatay-matay na tsismis sa kanilang dalawa na nagsimula nung maging magkatambal sila sa pelikulang Between Maybes noong 2019.

Napapanood si Gerald ngayon sa primetime Kapamilya series na Init Sa Magdamag katambal si Yam Concepcion. Si Julia naman ay wala pang ginagawang bagong teleserye sa ABS-CBN pagkatapos siyang palitan ni Heaven Peralejo sa afternoon Kapamilya series na Bagong Umaga.