Dating teen actor John Wayne Sace, sugatan sa pamamaril

ADVERTISING

 alt=

John Wayne Sace
John Wayne Sace

Inoobserbahan pa rin sa ospital ang kundisyon ng dating teen actor na si John Wayne Sace matapos na barilin at malubhang nasugatan ng dalawang ‘di nakilalang suspek sa Pasig City, Lunes ng gabi, October 10.

Ayon sa paunang imbestigasyon ng pulisya, bandang alas-11:10 ng gabi nang maganap ang insidente. May hinihintay umanong tao si Sace, 27-anyos; at kaibigang si Erik Sabino, alyas Erik Mata, kapwa ng Feliciano St., Barangay Sagad, sa kanto ng Dr. Sixto Antonio Ave. at Col. Licsi St., Barangay Caniogan nang biglang sumulpot ang dalawang ‘di nakilalang suspek at pinagbabaril ang mga biktima.

Mabilis na tumakas umano ang mga suspek sakay ng motorsiklo, habang kaagad na isinugod sa Rizal Medical Center sina Sace at Sabino.

Isinailalim sa obserbasyon si Sace na nagtamo ng isang tama ng bala sa baywang, habang idineklarang dead-on-arrival si Sabino dahil sa mga tama ng bala sa iba’t ibang parte ng katawan.

ADVERTISING

Kinumpirma naman ng mga opisyal ng Pasig City Police Office na nasa drug watch list ng barangay sina Sace at Sabino at kapwa pinaghihinalaang gumagamit at nagtutulak ng iligal na droga.

Naganap ang pamamaril ilang araw matapos sumuko ang dalawa sa anti-drug campaign ng pulisya na “Oplan Tokhang”.

Inaalam na rin ng pulisya kung may kinalaman sa iligal na droga ang nasabing krimen.

Danny’s Law
by Danilo Jaime Flores

ADVERTISING