Darryl Yap: ‘Sarap Mong Patayin’ tamang avenue para mas makilala si Lassy ng tao bilang isang seryosong artista

Leo Bukas
HAPPY KAMI para sa dating sidekick ni Vice Ganda na si Lassy Marquez dahil bida na siya sa pelikula ng Viva Films na Sarap Mong Patayin na tungkol sa catfishing. Ayon sa writer at director ng pelikula na si Darryl Yap may dahilan siya kung bakit kay Lassy ibinigay ang title role sa Sarap Mong Patayin.
Ano bang meron si Lassy kumpara sa ibang gay comedians?
Darryl Yap: 'Sarap Mong Patayin' tamang avenue para mas makilala si Lassy ng tao bilang isang seryosong artista
Lassy Marquez and Darryl Yap

“Kung anong meron si Lassy? Well, siguro sasagutin ko na lang kung ano yung wala siya,” sagot sa amn ni Direk Darryl.

Paliwanag pa niya, “Wala pa siyang ganito. Wala pa siyang tamang pagkakataon para maipakita yung kalibre niya bilang isang artista.

“Wala pa siyang moment na maipakita sa lahat na, ‘Puwede n’yo akong seryosohin kahit nagpapatawa ako.’ At saka wala pa siyang pagkakataon na maibigay sa publiko yung pagpapatawa na merong talino, merong timing. At higit sa lahat yung pagpapatawa na kayang magkuwento.”

Hindi rin daw basta-basta lang ang ginagawang pagpapatawa ni Lassy kundi meron din daw itong laman na mapapaisip ang matatalinong audiene.

“Bihira lang po kasi sa mga komedyante yung nakakapagpatawa pero may laman. Madalas po lalo na sa Pilipinas hindi tinatawanan yung mga matatalinong jokes, eh. Pero pag binitawan po ni Lassy and even all the comedians that I’ve worked with, kaya nilang magbitaw ng punchline na mapapaisip yung mga matatalinong tao at yon ang wala pa si Lassy.

“Kaya ang pagbibigay po sa kanya ng role dito sa Sarap Mong Patayin binibigyan po siya ng Viva nang wala pa siya – yon ay ang tamang avenue para mas makilala siya ng tao bilang isang seryosong artista,” sabi pa ng controversial director.

Kasama ni Lassy sa Sarap Mong Patayin na showing sa Vivamax sa October 15 ang hunk actor na si Kit Thompson at si Miss Universe 3rd runner-up Ariella Arida. Ani Lassy, itinuturing niyang “pinakamarumi” at “pinakamalansa” ang kanyang latest movie dahil nakipag-kissing scene siya dito kay Ariella.

“Kasi naman siyempre, bading ako, tapos babae, beauty queen hahalikan ko! Kadiri, di ba? Sabi ko nga, ito na yata ang pinakamarumi, pinakamalansang pelikula na nagawa ko. Napakarumi talaga,” pabiro at natatawang pahayag ni Lassy.

“Ako talaga ang nag-yuck! Ha-ha-ha! Feeling ko nga, dapat dinala siya sa hospital after ng halikan namin!” natatawang hirit ng Beks Battalion member.