Dalawang kilalang aktres, laman ng tsismisan ang isyu sa aktres at sikat na personalidad! – Cristy Fermin

ADVERTISING

Dalawang kilalang aktres, laman  ng tsismisan ang isyu sa aktres at sikat na personalidad! - Cristy Fermin ISANG GABI, NAULINIGAN ng ilang taga-showbiz ang pagkukuwentuhan ng dalawang kilalang aktres. Mainit ang kanilang paksa, kasing-init ng kuwentong nag-uugnay sa isang aktres at sa isang sikat na personalidad sa kanyang larangan. “Makapal talaga ang mukha ng babaeng ‘yun! Super-kapal! Kahit kaunti, wala siyang kahihiyan!” Sabi ni Actress A na medyo may edad na. “Oo naman, obvious ba? Siya pa mismo ang naglalantad ng relasyon nila nu’ng lalaki, parang proud na proud pa siya!” Komento naman ni Actress B. May nadagdag na karakter sa kanilang kuwentuhan, pangalan ‘yun ng isang nagpapaseksi ring aktres na minsang nadikit ang pangalan sa sikat na lalaking personalidad. “Mabuti pa ang isang ‘yun, puro milagro lang ang alam ng publiko, walang nakitang santo!” Si Actress A uli. Sabi naman ni Actress B, “Du’n mo makikita ang discreet sa hindi, may pasintabi, parang ipinaglaladlaran pa niya na sila na nga ngayon nu’ng lalaki! “At take note, aware ang parents niya sa mga nangyayari, ha? Nakakaloka sila!” Komento ni Actress A. At may pahabol pa si Actress B, “So sad, napag-uusapan lang ang babaeng ‘yun kapag nakikipagrelasyon siya sa lalaking may asawa na, wala man lang credit tungkol sa kanyang talent kung meron man siya.” Aray ko! SA DARATING NA Sabado nang gabi, November 21, hindi namin palalampasin ang Michael & Me concert ni Nyoy Volante sa Zirkoh Comedy Bar-Tomas Morato. Sa titulo pa lang ng kanyang show ay bigay nang parang tribute ito ng magaling na acoustic singer sa Pop Icon na si Michael Jackson. Hindi naman itinatago ni Nyoy Volante ang matindi niyang paghanga sa namayapang King of Pop. Kabisado niya ang mga kanta ni Michael Jackson. Malaki rin ang impluwensiya ng Pop Icon sa kanyang singing career. Paminsan-minsan lang mapapanood si Nyoy sa mga konsiyertong may konsepto. Ngayon pa lang ay gusto na naming mapanood ang magaling na acoustic singer na ibinibigay ang sarili niyang rendisyon ng “Man In The Mirror,” “Ben,” “Music and Me,” “Bad,” “Beat It,” “Billie Jean” at marami pang iba. Napakatahimik ng singer na ito. Kahit anong isyu ang ibato sa kanya ng iba ay nananatili siyang maginoo. May isang dating karelasyon siya na hanggang ngayo’y hindi pa rin tumitigil sa kakukuwento tungkol sa kanilang nakaraan. Pero minsan man ba’y sumagot ang singer? Nakatutok lang siya sa kung ano ang totoo. Ang singing career lang niya at ang kanyang pamilya ang sentro ng kanyang buhay. Ano nga ba naman ang mapapala niya sa pagsagot sa mga isyung dapat ay nakatago na sa baul sa kalumaan? Hindi nakasasawang panoorin si Nyoy Volante. Naturingan siyang acoustic singer na nakaupo lang at pagita-gitara. Pero may iba siyang atake kapag nakasalang na siya sa entablado. Sa kanyang show sa Sabado nang gabi sa Zirkoh-Tomas Morato, sasayaw si Nyoy Volante. ‘Yun ang ngayon pa lang ay kinasasabikan na namin, dahil ayon sa aming mga nakakausap na malapit kay Nyoy, isang talento ‘yun ng acoustic singer na hindi pa masyadong natututukan ng manonood. Ang Michael & Me ay mula sa direksiyon ni Tito Ernie Duque at hatid naman ng Backstagepass Productions. Cristy Per Minute by Cristy Fermin

ADVERTISING