Dahil sa Kimerald movie: Relasyong Bea-Gerald, tahimik muna?!

Dahil sa Kimerald movie: Relasyong Bea-Gerald,  tahimik muna?!

Dahil sa Kimerald movie: Relasyong Bea-Gerald,  tahimik muna?! MALABO PA TALAGA na matuldukan ang hidwaan ng magkapatid na sina Claudine Barretto at Gretchen Barretto. Kung pagkukumparahin kasi ang kanilang mga kilos at pananalita kapag itinanong mo sa kanila ang pangalan ng bawat isa, mayroon pa rin silang sariling istilo ng mga pag-iwas. Mas lamang na ang wife ni Raymart Santiago, iritado sa kanyang pagpapahalata na ayaw niyang itinatanong sa kanyang nakatatandang kapatid. Ang karelasyon naman ni Mr. Tony Boy Cojuangco ay cool lang at mabilis makiusap sa press, na ibalato na lang sa kanya, na huwag na lang pag-usapan ang nakababata niyang kapatid.

Mas lalala pa ang pag-iiwasan ngayon nina Claudine at Gretchen, dahil hindi man sinasadya ay baka mainsulto si Claudine sa itinatakbo ng mga pangyayari. Nabulilyaso na nga ang unang pagbibida nila sa teleseryeng Magkaribal, kung saan dahil hindi na siya Kapamilya star, kaya ang role na dapat para sa kanya ay napunta kay Bea Alonzo, na sobrang napupuri ngayon. Kasunod nito, baka muli na namang masaktan ang wife ni Raymart, dahil ang kaalitan niyang si Angelica Panganiban ang bagong makakasama ng kanyang ate Greta sa pasisimulan nitong teleserye sa 2011.

Pero kahit nakapaloob ngayon si Claudine sa maraming intriga, mahirap din naman siyang husgahan. Marami rin naman siyang napakisamahang mga tao, na makapagpapatunay kung gaano siya kabait bilang anak. Sa ngayon, kahit pa nga sa tampuhan nila ni Gretchen ay balitang malapit kay Greta ang kapatid nitong si Marjorie Barretto, deadma lang ang wife ni Raymart. Pero ang maigting na paninindigan ni Claudine ay hindi pa rin mapapalapit ang kanyang kalooban sa karelasyon ni Mr. Cojuangco hangga’t hindi maayos ang relasyon ni Gretchen sa kanilang ina na si Mommy Inday Barretto.

MISTERYOSA TALAGA ANG dating ni Bea Alonzo kapag nagmamahal siya. Siya ‘yung tipong sa mga nakaraan niyang pakikipagrelasyon, hindi siya madaldal na ipangalandakan kung sino ba ang kanyang inspirasyon. Hangga’t magagawa niya noon na makaiwas sa mga pagpapaamin sa kanya kung sino ang kanyang boyfriend, lumulusot siya para walang mapag-usapan. Umaamin lang siya kapag nasukol na siya, at una nang ang lalakI ang nagpahayag ng kanyang intensiyon sa magandang aktres.

Walang pakialam si Bea kung sikat man siya habang ang lalaking kanyang mahal ay hindi ganu’n kapopular sa showbiz.  Hindi siya tumitingin sa malaking pangalan. Kaya nga marami ang nagulat noon kung bakit sa dami ng mga lalaking nanliligaw sa kanya, si Mico Palanca pala ang inililihim niyang boyfriend? Ngayon, malihim na naman si Bea. Mahahalata sa kanyang mga ngiti at paggu-glow ng mga mata, na mayroon na namang isang lalaking nagpapasaya sa kanya. Kaya sa pag-uugnay sa kanilang dalawa ngayon ni Gerald Anderson, ang guwapong aktor muna dapat ang maunang magsalita kung ano talaga ang real score sa pagitan nilang dalawa.

Mahirap sa ngayon para kay Gerald ang magsalita, dahil hayan at may bago silang pelikula ni Kim Chiu, ang Till My Heartaches End ng Star Cinema, kaya kailangang mag-sweet-sweetan muna ulit sila para sa kanilang mga fans, kahit maugong ang tsika na break na nga sila. Habang si Bea naman ay si Robin Padilla ang bagong leading man sa susunod niyang teleserye. Baka maligaw muna ang publiko sa kung sino ang tunay na nagmamahalan at may relasyon. Hintayin muna nating matapos ang promo ng kanilang mga bagong proyekto, at baka roon na umanin ang kung sinu-sino kung kaya ba nilang umamin sa katotohanan.

ChorBA!
by Melchor Bautista