Cristine Reyes meets with GMA 7 to negotiate

Cristine Reyes meets with GMA 7 to negotiate

KAHAPON PALA, NAG-MITING na ang Viva Artists Agency na nagma-manage kay Cristine Reyes at ang mga taga-GMA 7 at mukhang babalik na nga ang young actress sa dating mother studio.

Hindi pa tiyak kung nagkaayos na talaga sila, pero desisyon daw mismo ito ni Cristine. Hindi na ba siya happy sa Kapamilya network?

Hindi na nagti-taping si Cristine sa Banana Split at katatapos lang nito sa Precious Hearts Romance.

Tingin ko naman nagkasundo na sila sa GMA 7, dahil may naririnig na akong programang gagawin niya. Kung matutuloy ito, tiyak na pag-uusapan ang gagawin niya sa GMA 7, dahil kontrobersyal ang makakasama niya.

Siyempre, hindi ko naman puwedeng ikuwento at baka maudlot pa at hindi pa puwedeng sabihin dahil isa ito sa mga sorpresa nila sa bagong project na ito ng GMA 7. Abangan n’yo na lang!

AKO NA RAW ang susunod na sisiraan ng kampo ni Hayden Kho. Iyon ang nakarating sa akin, pero ayoko na lang pansinin. Ano naman kaya ang isisira nila sa akin?

Kaya malakas ang loob kong magsalita tungkol sa kanila, lalo na kay Hayden at sa nanay niya dahil ‘yun ang totoo, ‘no?!

Itong nanay ni Hayden, may ginagamit pang krus at bibliya, nagsisinungaling naman at naninira pa ng kapwa. May nagkuwento pa sa akin, isang taga-GMA 7 daw ang nakakita kay Hayden na may kasamang dalawang matanda na nanood ng sine sa Rockwell nu’ng nakaraang Linggo. Pero ang drama nila, nasa retreat daw ito sa Laguna kasama ang nanay niya, tapos nasa Rockwell lang pala?

Kung totoo man ‘yun, mabuti pa siya nakapaglilibot pa. Samantalang si Katrina, nakalalabas lang ng bahay kung merong kailangang harapin kaugnay sa kasong isinampa niya.

Mabuti na lang at marami pa rin naman ang nagtitiwala kay Katrina dahil bukod sa ilang endorsement niyang hindi naman bumitaw sa kanya, meron pang ibang produktong balak siyang kuning endorser. Hindi lang muna ini-entertain ngayon ng manager niyang si Rommel Gacho dahil depende pa rin daw sa payo ng abugado niya.

Mabuti’t hindi naman iniiwan si Katrina ng pamilya at mga kaibigan niya kaya lalo namang lumalakas ang loob nito.

Kuwento nga ni Cristine Reyes, nagkausap daw sila ni Katrina nu’ng nakaraang linggo at mukhang okey naman daw ito. Nagpahayag nga ito ng suporta sa kaibigan niya at naniniwala raw siyang malalagpasan ito ni Katrina.

Naiirita lang si Cristine dahil ang ilang mga katrabaho nito ay parang nandidiri raw sa ginawa ni Katrina. As if naman pagkalinis-linis nila, eh, hindi naman. Kaya umiiwas na lang daw si Cristine para hindi na niya marinig ang mga sinasabi nila laban sa kaibigan.

Mga Mata ni Lolita
by Lolit Solis