Coco Martin, pahinga muna sa serious projects

Coco Martin, pahinga muna sa serious projects

Coco-MartinHINDI NAGKAMALI si Toni Gonzaga nang piliin niya si Coco Martin na makapareha sa pelikulang You’re My Boss, dahil humataw ito sa takilya. Kakaiba kasi ang chemistry ng dalawa na naibigan ng manonood. Hindi nagpilit sina Toni at Coco na magpatawa, sila mismo ay maaaliw ka, lalo na sa mga sitwasyon sa bawat eksena. Dalang-dala ng singer-actress ang actor sa kanilang comic scenes. Perfect ang combination nila together.

Inamin ni Coco na totoong nahirapan siya sa maraming eksena nila ni Toni. Hindi kasi nito linya ang romantic-comedy, pero nagawa niya nang tama ang hinihingi ng eksena at napansin naming naaliw sa katatawa ang manonood. Alam nating puro serious films ang madalas gawin ng Prince of Indie, this time kinagat ng publiko ang pagiging comedian ni Coco.

Winner si Direk Antoinette Jadaone, totoong nakuha niya ang kiliti ng publiko kaya kumita nang husto sa takilya ang pelikula nila. Confident ang Star Cinema na magiging box-office hit ang You’re My Boss, kahit kasabayan nila ang showing ng The Fast And The Furious. Habang pinapanood namin, nakaaaliw ang tandem nina Toni at Coco. Kahit ilusyon lang, maglalaro sa isipan ng mga fans na puwedeng maging sila… kahit alam nating engaged na ang dalaga kay Direk Paul Soriano at malapit na itong ikasal.

Sobrang nag-enjoy si Coco sa friendship nila ni Toni. Marami siyang natutunan sa Ultimate Multi-Media Star, hindi lang sa pagiging comedian pati na rin sa maraming bagay. Palagi nga raw siyang nakangiti tuwing uuwi ng bahay dahil hindi ito nakararamdam ng pagod kahit magdamagan ang shooting sa sobrang saya nila habang ginagawa ang pelikua. Memorable experience para kay Coco ang movie nila nina Toni at Direk Antoinette.

Puring-puri naman ni Toni si Coco sa pagiging down to Earth nito. ‘Yung pagiging humble at pagiging totoo sa sarili, walang pretentions. Walang kayabang-yabang sa katawan kahit award-winning actor. Ang isang pang magandang pag-uugali ni Coco, tumatanggap ito ng pagkakamali at willing itong matuto sa pagiging komendyante kahit hindi niya ito forte.

Masasabi naming masuwerte si Coco sa bakuran ng ABS-CBN. Bakit kamo? Super ang pag-aalaga sa kanya ng Kapamilya Network. Puro sikat na artistang babae ang madalas niyang makapareha sa mga pelikula ng Star Cinema. Maging sa mga teleserye, pawang caliber actors ang naka-support sa kanya. Sunud-sunod na ngayon ang blockbuster film nito, with Kris Aquino, at ngayon nga kay Toni Gonzaga. Taos-puso ang pasasalamat ni Coco sa Dos at Star Cinema sa magagandang project na ibinibigay sa kanya.

“I’m so blessed, hindi ko sasayangin ang tiwala at pagmamahal nila sa akin. Always naman, ibinibigay ko ang best ko sa bawat project na ginagawa ko. Salamat sa lahat ng suporta, sa mga fans na tumatangkilik ng mga pelikula ko at TV shows,” pahayag ng actor.

Inihahanda na ng Star Cinema ang susunod na movie project ni Coco with Vice Ganda. Tatapusin lang ng magaling na singer/comedian/TV host ang birthday concert niya sa Araneta at series of shows sa US, at sisimulan na nilang gagawin ni Coco ang movie nila together. I’m sure hataw na naman ito sa katatawan. This time, pahinga muna ang actor sa mga serious project.

Excited na nga si Coco na makatrabaho si Vice Ganda. Ngayon pa lang, ibayong paghahanda na ang ginagawa nito dahil alam niya kung gaano kagaling ang box-office king sa larangan ng pagpapatawa. Mas ini-enjoy ngayon ni Coco ang comedy film, dahil hindi raw mabigat sa dibdib ang mga eksena. Bagkus, nakare-relax at nakawawala ng problema at tension. Kahit mahirap, super ini-enjoy nito ang comedy situation. ‘Yung mga natutunan ni Coco kay Toni at Direk Tonet ay p’wede niyang i-apply sa movie nila ni Vice. Alam nitong lalo siyang mahahasa sa comedy sa tulong ng magaling na komedyante kapag nagsimula na silang mag-shooting. Isang panibagong journey para kay Coco na maka-tandem niya ang isang tulad ni Vice Ganda.

AYAW Paawat!
by Eddie Littlefield