Coco Martin, gustong makaharap sina Maja Salvador at Matteo Guidecelli

Coco Martin, gustong makaharap sina Maja Salvador at Matteo Guidecelli

Coco Martin, gustong makaharap sina Maja Salvador at Matteo GuidecelliFINALLY, NAKAUSAP NA rin namin si Coco Martin sa set ng You Light Up My Life, pelikulang pagtatambalan nila ni Angeline Quinto under Star Cinema, tungkol sa sapakan issue sa kanila ni Matteo Guidicelli sa nakaraang Star Magic Ball.

Ayon sa actor, ‘di pa sila pormal na nagkakaharap o nagkakausap ni Matteo, taliwas sa lumabas na mga balita na pinagharap na sila ng management. Pero sa ngayon, wala na sa kanya ang mga nangyari at napatawad na niya si Matteo na humingi na rin naman ng dispensa sa kanya.

Para kay Coco, alam niyang mali na nadala rin siya ng emosyon nang gabing iyon at nahihiya siya sa mga bosses ng ABS na nandu’n pa naman nang gabi ng Star Magic. Naiintindihan ng aktor kung nagselos man sa kanya si Matteo, bilang boyfriend ni Maja, kahit pa nga purely work at friendship lang talaga ang namagitan sa kanila ng kapareha.

Aminado si Coco na sa mga interviews niya ay naiilang siya ‘pag tinatanong siya tungkol kay Maja dahil alam niya ang relasyon ng dalawa. In fairness sa actor, wala nga kaming naaalala na nagbigay siya ng ideya na balak niyang ligawan o diskartehan ang kapareha.

Naikuwento sa amin ni Coco na lumalabas pala sila nila Matteo at Maja kaya’t inakala niyang okay ang lahat. Nabanggit pa nga niya sa dalawa na may naisip siyang pelikula na bagay sa kanilang tatlo kung gagawa sila ng pelikula. Ito ay ang Bakit Labis Kitang Mahal na unang ginawa nina Aga Muhlach, Lea Salonga at Ariel Rivera.

Sa kabila ng ‘di magandang nangyari, bukas siya na magkasama-sama sila sa iisang proyekto. Sa nakita naming, naka-move on na talaga si Coco sa nangyari, kung saan nilu-look forward niya talaga na makausap niya sina Maja at Matteo.

Sa tanong namin kung bakit kasi ‘di pa siya mag-girlfriend para maiwasan na ring ma-link sa iba tulad nga ng nangyari sa kanila ni Maja, ipinaliwanag sa amin ni Coco na sobra siyang abala sa career niya ngayon at mahirap maghalo ng emosyon sa trabaho, lalo kung ang magiging girlfriend mo ay kapareho mong taga-showbiz din.

 

SA PRESSCON KAHAPON ng No Other Wo-man, hiningan namin pareho ng reaksyon sina Anne Curtis at Cristine Reyes sa bulung-bulungan ngayon na sa susunod na taon daw ay kabilang sila sa mga alaga ng Viva na maglilipat-bakod sa susunod na taon.

Kalat na kalat ang balita na mauuna raw si Ms. Sharon Cuneta na matatapos na ang kontrata sa January 2012. Pagkatapos daw nito, sina Cristine at Anne na, sa kabila ng ‘di naman sila nawawalan ng shows sa Kapamilya Network.

Agad namang inamin sa amin ng dalawa sa magkahiwalay na interview na nakarating na sa kanila ang nasabing balita through Twitter, at sa sinasabi na rin ng ibang tao. Consistent naman ang dalawang aktres sa pagsasabing masaya at kuntento sila sa mga shows na ibinibigay sa kanila ng ABS.

Sa tanong namin kung paano kung ang Viva ang magdesisyon na ilipat nga sila bi-lang nagha-handle ng kanilang mga career, ipinaliwanag sa amin nina Anne at Cristine na ‘di magdedesisyon ang Viva nang walang pagsang-ayon nila at ang ganitong mga bagay ay kinakailangang pag-usapan nang husto.

Dalawa sina Cristine at Anne sa mga artista ng ABS na ‘di man masasabing full-pledged Kapamilya, dahil ang Viva ang manager nila, ‘di masasabing pinababayaan ng Kapamilya Network kung ang pagbabasehan ay ang magagandang mga proyekto na ibinibigay sa kanila ng istasyon.

Pero sa takbo ng mga pangyayari ngayon sa showbizness na di natin alam lagi ang mangyayari sa hinaharap, abangan na lang natin ang mga susunod na kaganapan.

Maiba Lang
By MELBA R. LLANERA