Coco Martin at Julia Montes nasa Pola, Oriental Mindoro para magsyuting ng pelikula

Leo Bukas

Kasalukuyang nasa Pola, Oriental Mindoro sina Coco Martin at Julia Montes. Nagsusyuting ang dalawa doon ng isang pelikula na magiging comeback vehicle ni Julia  pagkatapos niyang mawala sa showbiz ng ilang taon.

Coco Martin at Julia Montes nasa Pola, Oriental Mindoro para magsyuting ng pelikula
Coco Martin and Julia Montes with Ina Alegre

Nag-post ng mga pictures ang aktres na si Ina Alegre (Jennifer Mindanao Cruz in real life) na ngayon ay mayor ng Pola kasama sina Coco at Julia habang nasa isang sasakyan pero deleted na ito ngayon. Buti na lang at na-screen shot namin agad ito.

Maraming nakakatuwang reaksyon ang netizens sa naturang post ni Mayor Ina at halatang na-miss talaga si Julia ng kanyang supporters. Ikinatuwa din nila na magkasama sa isang pelikula ang dalawa na matagal nang napapabalitang may relasyon.

According sa aming source na mismong kababayan namin sa Pola, kasama rin sa pelikulang ginagawa nina Coco at Julia ngayon si Raymart Santiago at isang baguhang aktres. Co-producer naman ni Coco sa movie si Brillante Mendoza na siya ring director ng pelikula.

Huling nagkasama sina Coco at Julia sa Star Cinema movie na A Moment In Time noong 2013. Dalawang teleserye naman ang pinagsamahan nila sa ABS-CBN – ang Ikaw Lamang noong 2014 at Walang Hanggan noong 2012.