Claudine Barretto, galit pa rin kay Angelica Panganiban

Claudine Barretto, galit pa rin kay Angelica Panganiban

Claudine Barretto, galit pa rin kay Angelica PanganibanNAGSALITA NA RIN si Claudine Baretto sa Startalk nu’ng nakaraang Sabado at sinagot nito ang lahat na mga isyung kinasangkutan niya. Hindi maganda ang nakaraang taon ng aktres dahil sa dami ng mga intrigang pinagdaanan niya.

Pinaunlakan na rin nito ang request ni Ricky Lo na interbyuhin ito para sa Startalk. Doon sinagot ni Claudine ang mga intriga mula sa away nila ni Angelica Panganiban, ang pagbabati nila ni Gretchen Baretto hanggang sa mga lalaking na-link sa kanya.

‘Di ba kung kani-kanino na-link si Claudine mula sa bestfriend ni Raymart Santiago na si Martin Castro, kay Atong Ang, kay Sen. Jinggoy Estrada hanggang kay Wendell Ramos.

Lahat ‘yun ay itinanggi ni Claudine at madamdamin ang mga sagot nito dahil daw sa isang kaibigang muntik nang sirain ang kanyang pamilya.

Obvious na si Angelica ang tinutukoy nito dahil inamin naman niyang hanggang ngayon ay sariwa pa rin daw ang sugat at hindi pa raw siya handang makipag-ayos sa aktres.

“I haven’t seen her for such a long time, and the wounds are talagang sariwa pa. So, it’s very sensitive topic kasi minahal ko siya,” bahagi ng pahayag nito sa interview sa kanya ni Ricky.

“Nagmahal ako nang sobra sa isang kaibigan na muntik na nakasira sa pamilya ko. Ang daming stages nu’n ng denial,” maluha-luha pa niyang pahayag.

Inamin na rin ni Claudine na matagal na siyang nakikipagkita sa psychiatrist at tingin naman daw niya ay walang masama roon dahil gusto na niyang gumaling at malagpasan ang mga pinagdaanan nilang mag-asawa. Mabuti na lang at hindi raw siya iniwan ni Raymart at patuloy na nakasuporta sa kanya.

Malaki na rin ang pasasalamat niya dahil nagkaayos na sila ng kapatid niyang si Gretchen Barretto at isang buong pamilya na raw sila. Hindi na raw niya hahayaang maulit pa ang gulong kinasangkutan nila noon.

Mas focus na lang ngayon si Claudine sa bagong project niya sa GMA-7 na Iglot, kung saan makakasama niya sina Jolina Magdangal, Marvin Agustin at Patrick Garcia.

Tingnan na lang natin kung magri-react si Angelica sa panayam na ‘yun ni Claudine.

 

MAGSISIMULA NA PALA ngayon ang bagong danserye  ng GMA-7, ang Time of My Life na tatampukan nina Mark Herras, Kris Bernal at Rocco Nacino.

Matagal din bago nakabalik sa primetime show si Mark kaya kung anu-ano  tuloy ang mga lumalabas na intriga tungkol sa kanya. Nu’ng nakita ko naman siya mukhang maayos naman siya at ang ganda nga ng katawan niya ngayon. Kaya dapat magpaka-busy siya ngayon para matigil na iyang mga intriga tungkol sa kanya.

Abangan n’yo na lang ito mamayang gabi pagkatapos ng Munting Heredera. Pagkatapos ng 24 Oras ay Amaya na, at susundan ng Munting Heredera. Kaya mas bongga ngayon ang primetime ng GMA-7.

 

Mga Mata ni Lolita
by Lolit Solis