Claire Castro, napapansin na dahil sa ‘trending’ bardagulan nila nina Gina Alajar at Glaiza de Castro

TUNAY na ‘nagbabaga’ ang Sabado ng hapon noong October 9 dahil sa trending catfight scenes ng GMA Afternoon series na ‘Nagbabagang Luha‘, na pinagbibidahan nina Glaiza de Castro, Rayver Cruz at ang baguhang si Claire Castro.

Nalalapit na ang pagtatapos ng programa (tulad ng ilang teleseryeng binuo habang may covid-19 pa) at sinugurado ng staff, cast and crew ng Nagbabagang Luha na hindi sila makakalimutan ng mga televiewers.

Claire Castro, napapansin na dahil sa 'trending' bardagulan nila nina Gina Alajar at Glaiza de Castro
Claire Castro and Gina Alajar in Nagbabagang Luha

Aaminin namin na isa kami sa kumukulo ang ulo sa tuwing nakikita si Cielo (played by Claire Castro, ang Lolita-looking daughter ng ex-teen stars na sina Diego Castro at Raven Villanueva). Dahil siguro sa bata at maituturing na baguhan pa lamang, we felt na hindi pa ito hinog para ‘ilapa’ sa tigre na tulad ni Glaiza de Castro, na kilala sa pagiging isang intense dramatic actress.

Lahat ng frustrations ng viewers kay Cielo ay nawala dahil sa kinahinatnan ng pasaway na karakter niya. Noong Sabado ay nabuko na ang lukaret – nagpapanggap lang ito na buntis! Hindi ito totoong ginahasa ni Alex (Rayver Cruz) at ginawa lang niya ito out of desperation na mapunta sa kanya ang pinapantasya niyang bayaw.

Sa unang teaser ay akala namin ay kay Maita (Glaiza de Castro) lang makakatikim ng not one, not two, but five slaps ang dalaga.

But no. There’s more!

Maliban sa muntikan na siyang sakalin ni Alex sa galit, binackhand slap lang naman ni Gina Alajar as the fuming mad mother-in-law ang pa-victim na Cielo! Kahit mismo sina Glaiza, Rayver at Mike Tan na nasa eksena ay nabigla sa ginawa ng veteran actress. Buti na lang at in character sila at hindi sila nagpa-distract sa nangyari. Si Claire mismo ay parang nagising at umiyak-iyak na lang ng napakalakas dahil naging totohanan ang sakit na naramdaman.

At hindi doon nagtatapos ang galit ni Calida (Gina Alajar), ha? Sinabunutan, ningudngod ang pagmumukha sa red velvet cake at tinapunan ng kung anu-ano! Pero in character si Claire at matigas talaga ang mukha! Wish niya pa rin na maawa sa kanya si Alex at kaawa-awa ang hitsura niya na punong-puno ng red icing ang kanyang buong katawan. Siguradong nahirapan ito na tanggalin ang icing lalo na sa kanyang buhok!

Nagsorry naman kaagad si Gina Alajar at hindi rin kumuha ng body double si Claire. Ayon sa kanya, mas gusto niyang gawin mismo ang mga eksena dahil baguhan pa lamang siya at kahit pa nakakairita ang pagka-lukaret ng kanyang karakter as Cielo, mukhang mabait at masipag na bata naman ito sa personal.

Down to the last two weeks na lang ang Nagbabagang Luha at mukhang mas titindi pa ang mga eksena. Ano kaya ang magiging next project ni Claire Castro? Ano kaya ang masesay ng kanyang mga magulang, na hindi nakagawa ng marka sa showbiz dahil laging pa-kyut o forgettable roles ang napunta sa kanila noon? Hmmm…