Cindy Miranda nakaranas ng pang-iinsulto mula sa netizens dahil kay Aljur Abrenica

Leo Bukas

HINDI itinanggi ng bida ng pelikulang Nerisa na si Cindy Miranda na naapektuhan siya ng pagkaka-link ng kanyang pangalan kay Aljur Abrenica na kapareha niya sa pelikula nung lumabas ang balitang hiwalay na ito sa asawang si Kylie Padilla. Naakusahan din si Cindy noon na siya ang third party na kaagad din namang itinanggi ng dating beauty queen.

Cindy Miranda nakaranas ng pang-iinsulto mula sa netizens dahil kay Aljur Abrenica
Cindy Miranda

Sa tanong namin kay Cindy kung kumusta ang naturang experience ay napailing na lang siya sabay sabing pakiramdam niya ay masyado siyang hinusgahan ng netizens sa nangyari kahit pa hindi naman talaga totoong siya ang third party. Inamin din ni Cindy na kung anu-anong masasakit na salita ang ipinupukol sa kanya nung kasagsagan ng isyu na hindi niya halos ma-take.

“Parang lahat ng masama, naibigay sa akin. Pokpok, kabit, bobo,” sabi ni Cindy sa PUSH.

“Pati nga po bobo, hindi ko po naintindihan… Alam mo yung masyadong sinukat yung pagkatao mo na hindi ka nila kinilala. Masakit lang kahit ayaw mong maapektuhan.

“Sa sobrang dami po talaga, may time na talagang nakatutok ako sa Instagram ko because I delete the comments,” dagdag pa niya.

Mabuti na lang daw at malakas ang kanyang self control kaya sa halip na patulan ang bashers ay isa-isa na lang niyang dini-delete ang mga negative na comments sa kanyang Instagram account.

“Ayoko talaga, hindi sila dapat welcome. Hindi po ako ma-social media na tao. I don’t really post that much. Pangit naman na makita ng ibang tao na ‘Oh my God, ano ba itong mga naka-comment dito.’

“I just delete. Ayoko siyang patulan kasi sa totoo lang, hindi ko talaga alam kung ano ba yung nasa isip nila. Gusto ko lang po i-delete para hindi ko na uli mabasa kasi ang pangit na nasa page ko yan di ba,” katwiran pa niya.

“Ayoko naman i-force sila na maniwala sa akin, pero lalabas din naman po yung totoo,” diin pa ni Cindy.

Matatadaan na sa unang digital conference ng Nerisa ay pinagbawalan ang press na magtanong ng personal kay Aljur dahil that day din lumabas ang interview kay Robin Padilla ni Ogie Diaz na umaaming hiwalay na talaga sina Kylie at Aljur.

“Nagulat ho ako kasi narinig ko na yang isyu na yan before pa po mag-start yung Nerisa. I think, na-timing-an lang po yung interbyu ni Sir Robin Padilla, so they thought na ako yung naging dahilan.

“But then, kung malalaman po nila yung timeline, it was really before Nerisa pa nangyari yan. Naikuwento naman po yan sa akin ni Aljur, pero hindi ko po talaga alam yung detalye,” balik-tanaw ni  Cindy.

“We’re friends. Very professional po yung naging trabaho namin ni Aljur. Sana suportahan na lang yung film, lalo na yung fans ni Aljur.

“Ang tagal din po na hindi nagkaroon ng movie ni Aljur. Sana suportahan po nila si Aljur,” pakiusap niya.

Cindy Miranda nakaranas ng pang-iinsulto mula sa netizens dahil kay Aljur Abrenica
Cindy Miranda and Aljur Abrenica

Nagbigay din ng saloobin si Cindy sa mga couple na dumaraan sa matinding pagsubok na ang iba ay nauuwi na talaga sa hiwalayan.

Aniya, “I think, lahat naman ng bagay, puwedeng ayusin lalo na kung gusto po nating ayusin. Sana, huwag tayong mag-give up sa mga bagay na mahal natin na kaya nating gawan ng paraan.

“Huwag sana tayong magpatalo sa mga tao na nakikisawsaw, maraming nag-iisyu ng kung anu-ano dahil lalo nilang pinalalala. Panghawakan mo lang kung ano yung pinaniniwalaan mo. Ipaglaban mo hanggang kaya mo yung bagay na gusto mo at sana mag-succeed ka.”

Mapapanood ang Nerisa sa VivaMax at iba pang streaming platform sa July 30, 2021.