Christine Bermas, no comment sa isyu ng dating leading man na si Kit Thompson

Leo Bukas

NO COMMENT ang reaksyon ni Christine Bermas nang tanungin siya tungkol sa isyung kinasangkutan ni Kit Thompson at ng girlfriend nitong si Ana Jalandoni. Si Kit ang leading man ni Christine sa kanyang launching film na Moonlight Butterfly na idinirek ni Joel Lamangan at napapanood sa streaming platform na Vivamax.

Christine Bermas, no comment sa isyu ng dating leading man na si Kit Thompson
Christine Bermas

“Well, no comment po ako diyan,” matipid na pahayag ng dalaga na bida rin sa isa pang Vivamax movie ni Direk Joel Lamangan na Island of Desire nang makausap namin siya sa digital mediacon.

Aminado naman si Christine na ikinagulat din talaga niya ang narinig na balita.

“Nagulat po ako pero hindi ko naman po alam kung ano talaga ang mga nangyari kaya wala po akong masasabi,” matipid niyang pahayag.

Ano bang stand niya tungkol sa violence against woman?

Aniya, “Kahit saang aspeto po natin tingnan maling-mali po yung manakit ng partner – yung boy na saktan mo yung girlfriend mo o yung girl na saktan mo ang boyfriend mo.  And yeah, kahit ano mang reason ng pinag-awayan n’yo or what, or something, dapat iniisip mong mabuti bago ka gumawa ng kung anuman yung naisip mong gawin. Dapat andodo’n pa rin yung respect sa mga babae.”

“Yeah, nagkakamali rin naman kami pero may reason din – but not at all naman. Dapat alamin muna natin yung ginagawa natin kung tama bago natin siya gawin. And very, very wrong talaga yung manakit. If you really love someone you will never ever do na saktan siya,” pagdidiin pa ni Christine.

Christine Bermas, no comment sa isyu ng dating leading man na si Kit Thompson
Moonlight Butterfly cast Ivan Carapiet, Albie Casino, Christine Bermas and Kit Thompson

Maging ang male cast ng Island of Desire na sina Rash Flores at Sean de Guzman at kinukundina rin ang pananakit sa mga kababaihan ng mga lalaking karelasyon nila.

Ani Rash, “Bilang isang lalaki ay maling-mali na saktan mo ang isang babae. Kahit anumang ginawa ng isang babae hindi natin sila kailangang saktan kasi biruin mo ang laki-laki natin tapos ang katawan ng babae ay napakalambot.  Para sa akin kahit ano pang gawin ng isang babae hindi natin kailangang saktan.”

Para naman kay Sean, “Napakasama po ng ganung gawain na saktan mo yung mga babae na walang kalaban-laban. Sana matigil na yung ganun.”