Cesar Montano, na-excite sa pelikulang tinanggihan ni Robin Padilla

Cesar Montano, na-excite sa pelikulang tinanggihan ni Robin Padilla

Cesar-MontanoDAHIL MATAGAL na ring hindi nakagagawa ng pelikulang pang-Metro Manila Film Festival kaya kaagad na tinanggap ni Cesar Montano ang project na tinanggihan ni Robin Padilla. Huling pelikula ni Cesar sa MMFF ay noong 2006, kaya hindi naiwasan ng actor na masabik at ma-excite sa pelikula.

“Na-miss ko ang ganito, kaya tinanggap ko ang Nilalang kahit na sabihin na second choice lang ako,” say ni Cesar.

“Ang importante ay ako ang nasa movie. Nag-usap naman kami ni Robin kasi siya ang original choice for the movie. Natuwa naman siya nang ako ang napiling pumalit sa kanya.”

Samantalang tikom ang bibig ni Cesar nang tanungin ng press ang tungkol sa kanyang mga anak sa ex-wife na si Sunshine Cruz. Humingi ng sorry si Cesar sa mga press dahil kahit gusto niyang sagutin ang mga tanong tungkol sa mga anak nila ni Sunshine, hindi puwedeng pag-usapan maging ang kaso na inihain sa kanya ni Shine.

Wala raw magawa si Cesar kundi sumunod na lang kahit na pakiramdam niya ay naging unfair sa kanya ang nangyayaring sitwasyon. Sobrang miss na miss na raw niya ang mga anak at kung may magagawa lang daw siya para makasama muli ang mga ito ay kanyang gagawin.

Super proud naman si Cesar sa anak niyang si Diego Loyzaga dahil napapansin na raw ang husay sa pag-arte ng anak. Bago raw pumasok sa showbiz ang kanyang anak ay sinabihan niya ito na dapat maging seryoso at patunayan sa kanya at sa maraming tao.

Ngayon ay mas busy pa nga raw sa kanya si Diego at nagbabalak na raw ito bumili ng bahay. Nakatira kasi ngayon si Diego sa bahay ni Cesar sa may scout area in Quezon City para malapit sa lahat.

Oh. C’mon!
By Gerry Ocampo