Boobsie Wonderland, lutang na lutang sa pagpapatawa

ADVERTISING

Boobsie Wonderland, lutang na lutang sa pagpapatawa

Boobsie Wonderland, lutang na lutang sa pagpapatawaDati-rati ay laging nakabibitin na mapanood ang komedyanang si Boobsie Wonderland, dahil lagi lang naman siyang pansahog sa mga programang sinasalangan niya maging sa iba’t ibang masasayang okasyon sa showbiz na naroon siya.  Kaya nga nu’ng February 13 nang gawin sa Smart Araneta Coliseum ang comedy concert na “Panahon Ng May Tama”, hindi namin pinakawalan ang pagkakataon na mapanood siya.

Tama pala naman kung bakit malaki ang tiwala ni Allan K. kay Boobsie, dahil kapag nabigyan nga siya ng tamang project para patunayan ang kanyang sarili ay bonggang-bonggang aariba ang magaling na komedyana. Sa laki ng Araneta, hindi nasasapawan ang baguhang komedyana, dahil napakalakas ng kanyang dating. Maganda, malinaw ang buo niyang boses kapag bumabangka na siya ng tsika. Hindi rin siya bumibitiw sa kanyang character bilang Boobsie sa itinagal na haba ng kanilang concert.

Marami pang gustong patunayan si Boobsie, dahil ngayon pa lang siya nabibigyan ng pagkakataon. Sana nga, mapanood na natin siya sa pelikulang komedya. Para siyang si yumaong komedyanang Chichay, na mahirap sapawan. Si Aling Chichay kasi, kahit isama mo sa karamihan ng mga komedyante, malakas ang dating at nag-iisa lang ang kanyang boses sa pagpapatawa, kaya alam mong naroon siya. Si Boobsie, mayroon ding ganu’ng lakas ng dating.

ChorBA!
by Melchor Bautista

ADVERTISING
ADVERTISING