Blind Item: Batang actress, manggagamit?

NAGBALIK-BAYAN ANG ISANG babaeng common friend ng isang guwapong batang aktor at ng isang magandang batang aktres. Ang nasabing babae ang palaging kasama-sama sa ibang bansa ng dalawa nu’ng magkarelasyon pa sila.

Edukado lang talaga ang young actor dahil nu’ng magdenay ang young actress tungkol sa naging relasyon nila, hindi na lang siya umimik, nagpakamaginoo na lang siya. Inisip niya na lang na siguro’y may matinding dahilan ang pagtatatwa sa kanya ng magandang dalaga.

Pero kung tahimik lang ang batang aktor, hindi naman pumayag na manahimik na lang ng kanilang common friend. Makapal ang mukha ang tawag nito sa young actress, dahil sa lakas ng loob nitong magdenay tungkol sa relasyon nila ng young actor.

Sabi ng common friend nila, “Ganu’n? She denied it? Ano pa ang hindi niya kayang idenay ngayon? Witness ako sa naging relasyon nila, kami-kami ang magkakasama sa States noon, bakit niya nakayang idenay ‘yun?

Malinaw ang takbo ng kuwento ng balik-bayan. Bago nag-aral sa isang bansa ang dalagang aktres, ilang linggo muna itong namalagi sa Amerika. Du’n mas tumibay ang relasyon nila. Nagkaroon pa nga ng saklay noon ang batang aktres, dahil magulong-magulo ang mundo niya noon.

“Pati sa hotel na tinirhan niya, kaming tatlo ang palaging magkakasama, that was the time na sobrang laki ng problema niya dahil sa ginawa niyang decision sa career niya.

“Lagi kaming lumalabas, si ____(pangalan ng poging-poging young actor) ang nagda-drive sa amin dahil sanay na siya sa States, kaya paano niya nagawang idenay ang relasyon nila?

“Ano ‘yun, ginamit lang niya ‘yung guy? Nilaro lang niya? I can’t believe she can do it!” Tanong-opinyon pa ng dalaga.

Ewan kung paano naatim ng batang aktres na talikuran ang relasyon nila ng young actor. Puwedeng may nagmaniobra para itanggi niya ang kanilang relasyon, dahil nu’ng lumipat na ang dalaga ng ibang istasyon, isang sikat at guwapong aktor na ang itinambal sa kanya.

Ayaw naming isiping user ang magandang dalaga dahil malayo ‘yun sa kanyang hitsura, mukha siyang anghel, at ang batang aktor naman ay poging-pogi.

Huwag sanang lumobo ang utak n’yo sa panghuhula kung sinu-sino ang sangkot sa kuwentong ito. Bigay na bigay na!

by Cristy Fermin