Bianca Gonzales, baduy manamit – Cristy Fermin

Bianca Gonzales, baduy manamit - Cristy Fermin

Bianca Gonzales, baduy manamit - Cristy FerminNU’NG ISANG GABI ay ginawang pulutan sa isang umpukan ng mga taga-showbiz ang tatlong hosts ng Pinoy Big Brother Double-Up na sina Mariel Rodriguez, Bianca Gonzales at Toni Gonzaga.

Dinisenyo naman talaga para sa reality show ng Dos ang tatlo dahil magagaling silang magsalita, nakaka-adlib sila kung may kailangan silang saluhin, bukod pa sa masarap manood ng isang show na magaganda ang hosts.

Panahon ‘yun ng tilaran at tadtaran, isa-isang sumailalim ang tatlong hosts sa ebaluwasyon ng nasa umpukan, ang unang ginawang pulutan ay si Mariel Rodriguez.

Maraming nakikikayan sa istilo ng hosting ni Mariel, pero ang punto naman ng ibang nandu’n, sa isang programang nagseseryoso ang karamihan ay kailangan talaga ng isang kikay-kikay na tulad ni Mariel.

Si Toni Gonzaga ang isinunod, halatadong walang kontra sa klase ng hosting ng dalaga, puro papuri pa nga ang maririnig patungkol kay Toni dahil puwede siyang pakawalang mag-isa.

“Napanood ko siyang mag-host nu’ng minsan, wala pala siyang idiot board? Basta ibinigay lang sa kanya ng writer ng show ang mahahalagang pointers, tango lang siya nang tango, pero nu’ng mag-umpisa na siyang humarap sa mga camera, daig pa niya ang may binabasa!

Kakambal na talaga ni Toni ang camera at ang microphone. Magaling siya talaga, kaya sa sobrang galing niyang magsalita, ang aabangan mo na lang talaga sa kanya, e, ang pagba-buckle na very seldom namang mangyari!” papuri nito kay Toni Gonzaga.

At magandang magdala ng damit ang girlfriend ni Direk Paul Soriano. Palibhasa’y payat, kahit yata pinagbuhol-buhol na tela lang ang ipasuot sa kanya ay nagmumukha nang elegante ‘yun.

Ang huling inatado ng grupo ay si Bianca Gonzales. Marami ang nagagandahan sa morenang dalaga, nababaitan din ang mga nandu’n sa kanya.

Pero may mga hindi kagandahang pagpansin ang mga nandu’n kay Bianca, lalo na sa pananamit. Nagmumukha raw tuloy siyang dama ng dalawang reyna.

“Nu’ng minsan, para siyang lamok na nakakulambo, ang ganda-ganda ng porma nina Toni at Mariel, pero si Bianca, naka-dress na parang may kulambo sa bandang laylayan niya. Ano ba naman ‘yun?

“May hindi maganda sa katawan niya, hindi ko lang matumbok kung ano ‘yun, kaya kahit anong damit ang isuot niya, parang hindi bagay, parang baduy ang dating niya.

“Sana, makipag-usap siya sa isang designer na magaling, ‘yung alam ang dapat gawin sa kanya para naman hindi siya masyadong nalalayo sa dalawang kasama niya,” payo ng isang nasa umpukan.

Pero in fairness, sa tatlong dalaga ay nag-aagawan sa unang puwesto sina Mariel at Bianca sa pagiging ma-PR, masyado sigurong abala si Toni sa dami ng kanyang trabaho, kaya halos wala na siyang panahon sa pakikipagkapwa-tao.

INAALIHAN na naman yata ng kung ano si Rosanna Roces, kaya ganu’n na lang kung pagtripan niya ngayon sina Senador Bong Revilla at Lani Mercado. Kunsabagay ay hindi na naman bago ito, matagal na niyang inuupakan ang mag-asawang wala namang ginagawang masama sa kanya. Ang tanong lang ay ano na naman kaya ang nakain ng taong ito at naging abala na naman siya sa paninira sa mga Revilla?

Sa kanyang Facebook ay kung anu-anong pang-uupak sa mag-asawa ang inilalagay niya, kaya ang komento naman ng mga nakakausap namin, “Mabuti pa nga ang book at may face, si Rosanna, wala!”

Isa lang ang ibig sabihin nito, ang mga tao talagang walang ginagawa at magawa sa buhay ay kung anu-ano ang nagagawang hindi kaaya-aya, tulad ni Osang na napakahaba ng panahong nakatanghod lang siya kaya panay ang bira sa mga taong abalang-abala.

Cristy Per Minute
by Cristy Fermin