Bea Alonzo, gustong maging si Dawn Zulueta balang-araw

Bea Alonzo, gustong maging si Dawn Zulueta balang-araw

Bea-Alonzo-Dawn-ZuluetaHANGGANG NGAYON, patuloy pa ring nakasuporta ang mga fans sa loveteam nina Richard Gutierrez at Dawn Zulueta, mula dekada ‘90 hanggang sa mga bata at kontemporaryong fans. Pinatunayan nila ito sa teleseryeng Walang Hanggan na nag-number 1 sa rating. Kakaiba ang karisma ng dalawa sa publiko, hindi nawawala ‘yung magic nila on the screen.

Nang pinanood namin ang trailer ng The Love Affair nina Richard at Dawn with Bea Alonzo, naintriga kami sa mga eksena nilang tatlo. Kailangang panoorin para maintindihan kung papaano nagkaroon ng conflict ang tatlong characters sa pelikula.

Hindi nahirapan si Direk Nuel Naval na idirek ang tatlong bida sa kanyang pelikula. “Tulong-tulong kami, putting the story together. Para lalong mapaganda. I’m open sa suggestion, very real ‘yung story, pati acting nila, natural. Some part of it, may contribution sina Richard, Dawn, at Bea,” turan ni Direk Naval.

Say nga ni Chard, “Laging masaya, may Dawn na, may Bea pa. Inspired akong magtrabaho, pareho silang magaling.”

Inamin ni Bea na fan siya ni Richard kaya nu’ng first time silang magkaeksena, nandu’n raw ang kaba factor. Ang maganda raw sa actor, hinayaan muna siyang ma-relax bago kinunan ang eksena nilang dalawa. “At first, kinakabahan ako… Pero ‘yung mga sumunod na eksena namin ni Richard, naging kampante na ako. Napaka-supportive niya as an actor, inaalalayan niya ako. He’s a good actor, madadala ka sa eksena. Kailangang mag-level-up ka para maging realistic ‘yung scene. Sa bawat pelikula, ibinibigay ko ang 100 percent,” sambit naman ni Bea.

Kahit one scene lang sina Dawn at Bea, very powerful naman ang eksena ng dalawa. “One whole night naming kinunan ni Direk Naval ‘yung scene namin ni Bea. I’m very generous as an actress. Napaka-intense nu’[ng scene namin. She’s a very confident actress. I hope we can work together again,” sabi ni Dawn.

Ayon kay Chard, may intimate love scene sila ni Bea. “She’s a very good actress. Masarap katrabaho si Bea. Hindi nakaka-concious katrabaho. Palaging fresh kapag dumarating sa set. Nai-excite ako, pinag-uusapan namin kung ano ang gagawin…” Dugtong naman ni Bea, ” Napaka-professional ni Richard at napaka-gentleman niya.”

How does it fell working with Richard and Dawn? “Masarap silang katrabaho. Si Richard palaging nagpapatawa sa set. Masaya siya palagi, masaya siya sa buhay niya. Bilib ako sa kanya. Lahat ng gusto niyang gawin nagiging successful siya, ang galing niya. He’s brilliant in everything na gusto niya gawin. Fan ako ni Dawn, kita mo ang ganda niya. Graceful, a good actress. Sana maging Dawn din ako. Gusto kong maging ganyan, like Dawn Zulueta,” papuring sagot ni Bea.

Sobrang thankful si Dawn sa mga fans dahil kahit nagka-edad na sila ni Richard nagbibida pa rin sila sa pelikula. Hanggang ngayon ilang dekada na ang lumipas, hindi nawawala ang suporta sa kanila ng publiko. “I’m very lucky dahil sina Richard at Dawn ang artista ko. Hindi nila kino-question ‘yung mga scenes ko. Pagdating sa set, ready na sila. It was really fun working with them. Ang gusto ko lang, to reach my audience,” pahayag ni Direk Naval.

Ipinaliwanag ni Richard na nangyayari in real life ‘yung istorya ng pelikula nilang The Love Affair. “Naghahanap ka ng tool sa past experience mo para magamit mo…” tugon ni Chard. Sambit naman ni Dawn, “Dynamic marriage, nagagamit ko…” Para kay Bea, “Marami akong natutunan in the past. Na realize ko ‘yung mga bagay na nagawa ko. Now, I’m a better person dahil sa past.”

Naitanong din kay Bea ang tungkol sa issue na hiwalay na sila ni Zanjoe Marudo. Agad sinagot ng actress, ” Okay naman kami. Lahat naman ng relationship dumadaan sa ganitong sitwasyon. Wino-workout namin…”

‘Yung napabalitang nakipag-date si Bea kay Paulo Avelino? “Totoong lumabas kami ni Paulo with friends. Hindi kami nag-date at alam ‘yun ni Zanjoe,” paliwanag ng magaling na actress.

AYAW Paawat!
by Eddie Littlefield